Ilang senador, di aprub sa 5 buwang martial law extension

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 10:57 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Bigo ang mga opisyal panseguridad ng administrasyong Duterte na makakuha ng suporta mula sa mga senador para sa hinihiling ng Pangulo na pagpapalawig ng batas militar hanggang katapusan ng 2017. 

Limang oras tumagal ang security briefing na ibinigay sa mga senador nina Defense Sec. at martial law administrator Delfin Lorenzana, Armed Forces of the Philippines (AFP) chief at martial law implementor General Eduardo Año, at National Security Adviser Hermogenes Esperon.

Sumentro ang pulong sa sitwasyon ngayon sa Marawi City at mga dahilan kung bakit humihirit ng hanggang December 31, 2017 na extension sa batas militar si Duterte.

Magtatapos na dapat ang batas militar sa Sabado, Hulyo 22, alas-10 ng gabi, o eksaktong 60 araw mula nang isailalim sa martial law ang buong Mindanao noong Mayo 23.

Suportado naman ng minorya ng Senado ang hiling ng Pangulo na palawigin pa ang martial law declaration pero hindi sa hinihinging haba ng administrasyon.

"I'm inclined to support, but we debate on the length of the extension and the coverage," ani Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Maging si Sen. Grace Poe na bahagi ng 'supermajority' coalition sa Senado, nahahabaan din sa mahigit limang buwang martial law extension. 

"Sinusuportahan natin ang ating mga sundalo. Pero naiintindihan din natin... iyong mga napaalis sa kanilang tahanan, tinatanong natin ang kanilang kalagayan," ani Poe. "Kailangan ba ninyo talaga hanggang Disyembre... o baka naman puwedeng 60 days?"

Marami pa ring tanong ang iba pang senador.

Kaya itutuloy ng mga opisyal ang pangungumbinse sa joint session ng Senado at Kamara sa Sabado, Hulyo 22. 

Sabi ni Esperon, kailangan ng panahon ng gobyerno para muling maitayo ang Marawi at masigurong ligtas na talaga sa banta ng terorismo ang buong Mindanao kaya hanggang December 31, 2017 ang hinihingi nila.

Nakikiusap naman si Año sa mga taga-Mindanao na suportahan ang kanilang rekomendasyong palawigin pa ang martial law.

Mga 'bakwit', hati ang opinyon sa martial law extension

Iba-iba ang opinyon ng mga 'bakwit' mula Marawi City tungkol sa pagpapalawig ng batas militar. 

Halos dalawang buwan na sa evacuation center ng Sta. Elena, Iligan City si Noraima Dandamun kasama ang kaniyang asawa at 10 anak dahil sa bakbakan sa Marawi City. 

Noong una'y tutol siya sa pagpapatupad ng martial law sa Mindanao. Pero umaasa ang ginang na kung palalawigin pa ang batas militar, tuluyan nang mawawakasan ang karahasan sa Marawi.

Pero nag-alala naman ang isa pang bakwit na si Sadam Macabawi na baka maaabuso ang pagpapatupad ng martial law. Nabalitaan niya umanong may mga sibilyang bigla na lang daw dinadampot ngayon ng mga awtoridad dahil sa umiiral na batas militar.

Kinuwestiyon din ni dating Assemblywoman Samira Tomawis ang planong pagpapalawig ng martial law.

Umaasa naman ang Provincial Crisis Management Committee na kung may extension ng martial law, dapat bigyang pansin din ang relief operations at rehabilitasyon sa Marawi.

Sa Davao City, hati rin ang reaksiyon ng mga residente tungkol sa martial law extension.

Para sa residenteng si Danilo Arias, mas mabuting palawigin ang martial law sa Mindanao dahil natatakot siyang aabot sa lungsod ang terorismo.

Giit naman ni Jay Apiag, secretary general ng grupong 'Karapatan' sa Southern Mindanao, may 55 na kaso ng "illegal arrest" at detention sa Southern Mindanao.

Ayon naman sa Davao City Police, wala pa silang natatanggap na reklamo ng pang-aabuso ng pulisya sa lungsod. Hindi rin daw nila hahayaan ang anumang pang-aabuso mula sa kanilang hanay.

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres at Joey Taguba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.