Dating Pangulong Aquino, kinasuhan kaugnay ng engkuwentro sa Mamasapano

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 11:19 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Mahaharap sa paglilitis si dating Pangulong Benigno Aquino III tungkol sa engkuwentro sa Mamasapano noong Enero 2015.

Ito’y matapos kasuhan ng Office of the Ombudsman si Aquino ng “usurpation of authority” at paglabag sa “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” dahil sa koneksiyon niya sa insidenteng ikinasawi ng 44 na miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF).

Naging basehan ng pagsasampa ng kaso ang mga text message at ang meeting ni Aquino bago at habang nangyayari ang misyon sa Mamasapano para arestohin ang teroristang si Marwan. 

Sa consolidated resolution ng Ombudsman, na base sa mga affidavit ng mga respondent, inutusan ni Aquino noong ika-9 ng Enero ang noo'y suspendidong si director-general Alan Purisima para isagawa ang “Oplan Exodus” kasama ang militar. 

Sa text messages din ng pangulo at ni Purisima mula 5:45 ng umaga ng ika-25 ng Enero hanggang 6:20 p.m., kita ang pag-uusap nila nang mapatay ang teroristang si Marwan, hanggang sa masabi sa Pangulo na malaki ang nalagas sa puwersa ng gobyerno.

Sa resolusyon ng Ombudsman, sinabing nagsabwatan sina Aquino, Purisima, at dating PNP-SAF chief Getulio Napeñas sa mga kasong “usurpation of authority” at “graft.”

May “criminal negligence” umano si Aquino dahil kasama siya sa pagpaplano at pati sa pagbibigay ng “pseudo legal power” sa suspendidong si Purisima.

Iba pa ang kasong ito sa mga kasong isinampa laban kina Purisima at Napeñas sa Sandiganbayan, nito lamang Enero dahil din sa Mamasapano tragedy.

May limang araw para umapela ang dating pangulo.

Pero sa nauna na niyang counter-affidavit na isinumite sa Ombudsman, sinabi ni Aquino na hindi siya direktang kasama sa pagpaplano at pagsasagawa ng Oplan Exodus at hindi rin niya ito inaprubahan.

“Bailable,” o maaaring piyansahan, ang mga kaso ni Aquino. Pero kung mako-convict, maaari siyang makulong mula anim hanggang 15 taon.

Natanggap na ng kampo ni Aquino ang order ng Ombudsman at pinag-aaralan na nila ang kanilang apela o pagsasampa ng motion for reconsideration.

Sinabi naman ng Malacañang na nirerespeto nila ang Ombudsman sa pag-iimbestiga nito sa mga opisyal ng gobyerno.

Kinikilala rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kabayanihan ng SAF 44 at umaasang magkakaroon na ng hustisya ang mga biktima ng Mamasapano tragedy. — Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.