Imee Marcos, pinayuhang mag-video conference, sa halip na dumalo sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 12:19 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Naghain sa Korte Suprema ng omnibus petition ang kampo ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at anim na Ilocos Norte Provincial officials na patuloy na nakadetene sa Kamara.

Hiniling nila sa Korte Suprema na kunin na ang habeas corpus petition ng tinaguriang "Ilocos 6" mula sa Court of Appeals, ipatigil ang imbestigasyon ng Kamara, at mag-issue ng writ of amparo para proteksiyunan si Marcos at ang anim sa anumang banta sa kanilang seguridad.

Humarap si Marcos sa media Huwebes matapos ipakita ng Kamara kamakailan ang posibleng kulungan niya.

Plano ng mga mambabatas na ipa-cite ng contempt si Marcos kapag hindi pa rin siya sumipot sa susunod na hearing sa July 25.

Pero wala pang pinal na desisyon ang gobernadora sa pagdinig.

Ayon kay Marcos, gusto niyang pumunta sa pagdinig pero mayroong nagpapayo sa kaniya na sa Ilocos na lamang magpa-interrogate sa pamamagitan ng video conference.

Inaakusahan si Marcos na nagwaldas ng P66.45 milyong provincial excise tax funds sa pagbili ng mga sasakyan nang walang bidding.

Mahigit isang buwan nang nakadetene ang "Ilocos 6" sa Kamara matapos silang tumangging sumagot sa mga tanong sa hearing.

Pero giit ni Marcos, walang anomalya, walang nawaldas na pera, lahat ay liquidated, at hindi sila sinisita ng Commission on Audit dahil nakitang nakinabang ang mga magsasaka at hindi ibinulsa ng iba ang pera.

Maging mga kamag-anak ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas, nag-request din umano ng mga sasakyan mula sa probinsiya.

Sa isyu ng cash advance, sinabi ni Marcos na ito ang legal mode of payment at fully liquidated din umano ang mga ito.

Binuweltahan din ni Marcos si Fariñas na minsan ring naakasuhan sa pagwaldas ng excise tax funds.

Naniniwala si Marcos na may kinalaman sa Halalan 2019 ang imbestigasyong ito, lalo't posibleng makatapat ni Imee ang anak ni Fariñas sa pagtakbong kongresista.

Pero sagot ni Fariñas, kung nagsasabi ng totoo si Marcos, hindi siya dapat matakot humarap sa imbestigasyon ng Kamara.

Magpapatawag na lang si Fariñas ng press conference para sagutin ang iba pang bintang ni Marcos. -- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.