Normal na supply ng kuryente sa Leyte, maaaring sa Agosto pa maibalik

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 09:38 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Aabutin pa ng Agosto bago maibalik sa normal ang supply ng kuryente sa probinsiya ng Leyte, Samar at Bohol.

Hindi kasi gumana ang dalawang geothermal plant sa Leyte na sinubukang paganahin kagabi.

Kaya sa halip na ngayong araw sana ang partial o ang bahagyang na pagbabalik ng kuryente, sa July 19 ang pinakamaagang magkakaroon ng supply pero 40 megawatts lang ito galing sa Tongonan geothermal plant.

Agosto 1 ang bagong target kung kailan maaayos ang transformer ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sa ngayon, inaayos ang transformer 6 na maaaring gamitin para sa pag-transmit ng hanggang 135 megawatts galing Cebu, Negros at Panay grid.

Pero, hindi rin ito sigurado dahil may problema sa supply ang ibang parte ng Visayas.

Target ng NGCP na paganahin sa Hulyo 16 ang submarine cable para makapasok ang kuryente mula Daanbantayan sa Cebu papuntang Ormoc, Leyte.

Ililipat din nila ang transformer mula Cebu papuntang Leyte na target magawa sa July 31.

Wala namang katiyakan kung kailan mailalagay ang mga power barge katabi ng mga probinsiyang wala pa ring kuryente gaya ng Leyte at Biliran.

Ayaw pang magbigay ng NGCP ng eksaktong petsa kung kailan babalik ang supply ng kuryente sa mga probinsiyang apektado ng lindol.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.