Netizen na 'nameke' ng P12 bilyon sa bank account, kinasuhan ng BPI

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 09:32 PM | Updated as of Jul 13 2017 04:13 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Kinasuhan na ng Bank of the Philippine Islands (BPI) ang netizen na itinuturong nagpasimula ng 'fake news' na may pumasok na P12 bilyon sa kaniyang account nang mangyari ang 'system glitch' ng bangko noong isang buwan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) Cyber Crime Division na walang katotohanan ang viral Facebook post ni Daniel Salasalan.

Nahalatang peke ang post dahil walang peso sign na lumalabas sa screen ng ATM sa kumalat naretrato ni Salasalan.

Sa isang liham, humingi ng tawad si Salasalan sa pamunuan ng BPI.

Inamin niyang 'fake news' ang kanyang ginawa at katuwaan lang umano iyon. Hindi niya inakalang lalaki ang balita at handa niyang bawiin ang lahat ng kaniyang mga sinabi sa media tungkol sa BPI.

Sa kabila ng paghingi ng paumanhin ni Salasalan, tinuloy pa rin ng BPI ang pagsasampa ng reklamong 'cyber libel at falsification by private individuals and the use of falsified documents'.

Umaasa ang NBI na magiging leksiyon ito sa lahat ng mga nagkakalat ng 'fake news' sa social media kahit na pangkatuwaan lang ito.

Tumangging magbigay ng panayam si Salasalan tungkol sa kaso dahil hindi pa umano niya nakikita ang reklamo. Kung mapapatunayang may sala, posible siyang makulong mula anim hanggang 12 taon.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.