SAPUL SA CCTV: Babae, hinoldap, binaril sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2017 10:48 PM | Updated as of Jul 06 2017 04:39 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Patay ang isang call center agent matapos barilin ng nakamotorsiklong holdaper sa Makati City.

Sa kuha ng CCTV, kita ang pagdating ng isang sasakyan sa Curie street sa Barangay Palanan sa Makati, nitong Martes, Hulyo 4.

Bumaba sa kotse ang isang babaeng tumambay at nagsindi ng yosi sa tapat ng gate ng kaniyang tinutuluyang apartment.

Ilang sandali lang, dumating ang isang lalaking nakamotor na agad bumunot ng baril at itinutok sa babae habang sapilitang inaagaw ang kaniyang cellphone.

Nagpambuno ang dalawa hanggang sa barilin ng lalaki ang babae sa leeg saka tuluyang tumakas.

Dead on the spot ang biktimang hindi na pinangalanan dahil na rin sa pakiusap ng kaniyang pamilya.

Ayon sa Makati PNP, may 'persons of interest' na sila at patuloy ang follow-up operation para mahuli ang suspek.

Masusing pinag-aaralan ng pulisya ang kuha ng CCTV dahil lumalabas na tila sinusundan na ng suspek ang biktima bago pa man siya bumaba ng sasakyan.

Sinisilip din ng pulisya kung may kinalaman ang insidente sa serye ng holdapan sa Makati noong nakaraang taon kung saan isang armadong rider din ang pangunahing suspek. Kabilang sa mga naging biktima ang isang babaeng nakunan din sa CCTV nang barilin ng rider sa lugar na nasa pagitan ng Makati at Mandaluyong City.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.