Sanggol, patay matapos balutan ng tape sa ulo ng tiyahin

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2017 02:39 AM | Updated as of Jul 06 2017 11:21 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Patay ang isang taong gulang na batang lalaki matapos balutan ng tape at damit sa ulo, at ikulong sa cabinet ng kanyang tiyahin sa Caloocan City. Ayon sa dating nag-aalaga sa bata, matagal nang sinasaktan ng tiyahin ang biktima. 

Miyerkoles bago maghatinggabi nakita ang katawan ng isang taong gulang na si Pao sa maliit na kanal sa tapat ng kanilang bahay sa A. Palon St., Barangay 70 sa Caloocan. 

Binalutan ng damit at binusalan ng tape ang bibig ng bata. 

Pitong oras siyang pinaghahanap bago natagpuan. 

Ang tanging kasama ng bata sa bahay ay ang 23 anyos na tiyahin na si Maria Ruth Mariano, na umaming siya ang pumatay sa pamangkin. 

Aniya, nakulitan daw siya sa bata na umiiyak habang naghahanda siyang maligo. 

"Binalutan ko ng scotch tape 'yung buong ulo, tapos binalutan ko ng damit. Tinakpan ko 'yung bibig saka ko inilagay sa cabinet. Kaya ko nagawa 'yun sa sobrang inis ko rin po," ani Mariano. 

Umamin din ang suspek na nakagamit siya ng droga kaya nagawa ang pagpatay. 

Nanghihinayang naman ang 17 anyos na si alyas 'Jake', ang dating nag-aalaga kay Pao, na hindi siya noon nagsumbong nang nakikita na niyang minamaltrato noon ng suspek ang bata. 

"Tinanggal niya 'yung bakal ng duyan kaya nalaglag si Pao at nagkabukol. Sinasakal siya, kinukurot, minumura-mura pa," ani 'Jake'.

Kinasuhan na ng murder si Mariano kahapon ng Miyerkoles.

"Kahit magsisi ako, kahit gusto kong humingi ng tawad sa nanay, alam ko hindi mapapalitan buhay niya," ayon kay Mariano. 

Hindi rin siya kayang patawarin ng ina ng biktima. 

"Hindi ko siya mapapatawad," ayon kay Sarra Naco, ina ni Pao.

-- Ulat nina Anjo Bagaoisan at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.