Pulis-Cavite na umano'y nang-abuso ng preso, ipatatapon din sa Marawi: PNP Chief

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2017 08:28 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nagbanta si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa na ipapadala rin sa Marawi ang grupo ng mga pulis na sangkot umano sa pang-aabuso sa dalawang preso sa Cavite.

Dismayado si Dela Rosa sa tatlong pulis-Cavite na inireklamo dahil sa pagmamalupit umano sa isang preso. 

Sinabi niyang ipatatapon din sa Marawi ang mga pulis, gaya ng sinapit ng dalawang pulis-Mandaluyong na inireklamo ng pambubugbog.

"They will suffer the same fate doon sa nagyantok... sama-sama sila doon sa Marawi kapag napatunayan. Aside sa kaso na haharapin nila kapag napatunayan talagang gumawa sila ng police brutality,” ani Dela Rosa. 

Tatlong pulis-Cavite na ang unang sinibak pero napag-alamang lima na silang inilagay sa restrictive custody sa Camp Vicente Lim, kung saan ang Regional Investigation and Detective Management Division ang tututok sa kanilang kaso.

Kabilang sa mga isinailalim sa restrictive custody sina PO2 Mark Jason Pepino, PO1 Ralph Marvin Solpico, PO1 Daniel Sosa, PO3 Lemuel Danglisan, at PO1 Jobeth Collantes.

Ayon naman kay Cavite PNP Provincial Director PSSupt. Arthur Bisnar, hindi nila kukunsintihin ang anumang misconduct sa kanilang hanay.

“Time and again, we emphasize that the Cavite Police Provincial Office will not tolerate any misconduct of erring policemen,” ani Bisnar.

Ipinag-utos na rin sa provincial human rights officers at sa chief of police ng Cavite na magsagawa ng regular at random inspection sa custodial facilities.

Samantala, dumagsa sa Bacao-PCP ng General Trias, Cavite ang mga kaanak ng iba pang inmate matapos ipalabas sa TV Patrol nitong Biyernes ang sinapit ng presong si Samuel Nalong.

Nangangamba sila na baka pagmalupitan din ang kanilang kaanak gaya ng ginawa kay Nalong, na bukod sa binugbog, pinagawa pa umano ng kalaswaan sa kapwa preso.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.