Baby 'bakwit', nasawi sa pulmonya, malnutrisyon

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2017 08:30 PM | Updated as of Jul 01 2017 09:24 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nasawi ang 9 na buwang gulang na sanggol sanhi ng pulmonya sa isang evacuation center sa bayan ng Balo-i, Lanao del Norte. 

Ayon sa Department of Health (DOH), bago pa man mapunta sa evacuation center ang musmos na bakwit, iniinda na rin ng biktima ang malalang malnutrisyon.

Batid ng DOH na marami pang ibang batang bakwit na malnourished, kaya araw-araw nang namamahagi ng pagkain sa evacuation centers ang mga tauhan ng kagawaran.

Ayon sa Provincial Crisis Committee, nakatakas man sa karahasan, banta naman sa kalusugan ang ngayo'y dapat labanan ng mga bakwit. Nangungunang sakit ng evacuees ang upper respiratory tract infection, sinundan ng hypertension, trangkaso, allergic dermatitis, at acute respiratory infection.

Samantala, natamaan ng ligaw na bala ang isa pang batang biktimang 6 na taong gulang. Nasa loob siya ng kanilang bahay sa Pangao Saduc sa Marawi nang tumagos ang isang bala sa kisame nila. Agad dinala sa ospital ang bata.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.