Dugong Maranao na U.P. honor student, kapayapaan sa Marawi ang panawagan

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2017 12:50 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Inialay ng isang summa cum laude ng University of the Philippines (UP) Diliman ang kaniyang tagumpay sa mga kapwa Maranao.

Sa kaniyang valedictory speech, nanawagan ang may dugong Maranao na si Arman Ali Ghodsinia ng kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng bakbakan sa Marawi.

"Sa Filipino, ito po iyong tinatawag natin na pagmamalasakit. Isa sa mga pinakamagagandang salita, hindi ba? Pagmamalasakit," aniya.

Nakakasakit din daw sa kalooban na sa kabila ng masaganang likas na yaman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, nananatili pa ring hikahos ang mga residente ng rehiyon.

Aniya, lumaki siya sa mga kuwento ng kahirapan ng kaniyang inang tubong Marawi. Sa sobrang hirap daw noon ng buhay, nasawi ang kapatid na lalaki ng ina dahil walang silang perang pampagamot sa maysakit.

"How painful it is to live in a society where people are left behind and forgotten simply because they do not have enough money," aniya.

Pero ayon din kay Ghodsinia, siya ang patunay na kayang magtagumpay ninuman basta mabibigyan lang ng pantay na oportunidad.

"We, members of the Filipino minority, or your brothers and sisters too, on an equal platform based on mutual respect, we can all work together towards a stronger and more united Philippines," aniya.

Pinaalalahanan din ni Ghodsinia ang mga kapwa 'iskolar ng bayan' na laging panindigan ang responsibilidad na paglingkuran ang kapwa Pilipino.

Nagtapos si Ghodsinia sa kursong molecular biology at biotechnology na may general weighted average na 1.176.

Isa siya sa 36 na nagtapos na summa cum laude ngayong school year sa UP Diliman.

Umabot sa mahigit 4,600 ang bilang ng mga nagtapos na estudyante ng UP Diliman ngayong taon. Nataon din ang graduation sa Eid al-Fitr, ang pagtatapos ng sagradong buwan ng Ramadan sa mga Muslim.

Sa bawat pagtatapos naman sa UP Diliman, karaniwan na rin ang panawagan sa pamahalaan ng mga bagong graduate. Ngayon, hiniling sa gobyerno ng mga nagsipagtapos na bawiin na ang batas militar sa Mindanao at buhusan pa ng atensiyon ang sektor ng edukasyon sa bansa. 

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.