Ilang pamilya mula Marawi, lumikas papuntang Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 04:57 AM | Updated as of Jun 20 2017 02:32 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Piniling lumikas papuntang Maynila ng ilang pamilya mula Marawi. Pinoproblema naman nila ngayon kung saan makakukuha ng pagkain at iba pang tulong.

Mahigit 300,000 evacuee na ang naitatala ng Department of Social Welfare and Development sa gitna ng patuloy na sagupaan ng puwersa ng gobyerno at grupong Maute sa Marawi City. 

Napilitan na ang iba sa kanila na lumuwas sa Maynila sa pag-asang sandaling makahihinga sa hirap dala ng giyera. 

Iika-ika pa rin sa paglalakad ang 48 anyos na si Ashlia, dalawang linggo matapos siyang tumalon sa truck na sumaklolo sa kanila sa Marawi City papuntang Iligan City. 

Bakas pa rin ang matinding trauma kay Ashlia nang ilang beses nasita ng mga miyembro ng grupong Maute habang lumilikas kasama ang apat niyang anak. 

"Kumakain na kami ng panis na pagkain para lang mabuhay kami, kaya noong huli, sabi ko sa mga anak ko, 'Mga anak, aalis na tayo dito,'" ani Ashlia.

"Sa daan, naglalakad kami kasama 'yung iba pang mga babae at bata. Bawat kanto, may humaharang sa amin, tinututukan kami ng baril at tinatanong kung saan kami pupunta. Nagmakaawa talaga ako sa kanila na paalisin na kami kasi kawawa naman ang mga anak ko," kuwento pa niya. 

Ngayon, kasama si Ashlia sa mahigit 30 evacuee na nakikitira ngayon sa kanilang mga kamag-anak sa Islamic Center sa Quiapo, Maynila.

Umalis sila sa mga kaanak sa Iligan City dahil hirap din ang mga iyon sa buhay. 

Problema naman ni 'Fatima', isa sa mga bakwit doon sa Islamic Center, kung saan kukuha ng pagkain at iba pang kailangan ng kanyang mga anak. 

"Ang hirap ng buhay namin dito kasi wala kaming hanap-buhay. Hindi gaya sa Marawi na may sarili kaming bahay. Maganda buhay namin," ayon kay alyas Fatima.

Ipinaaalala naman ni Department of Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo sa mga evacuee na pansamantalang nakikituloy sa Metro Manila na magdala ng ID at magpalista sa lokal na pamahalaan. 

"Kung nandito kayo sa Maynila, pumunta kayo sa inyong LGU at magpalista para maisama sa mga dapat tulungan ng ating gobyerno. Magdala lang kayo ng inyong pagkakakilanlan dahil importante ang security check," ani Taguiwalo.

Inihahanda na rin ng DSWD ang P5,000 cash assistance para magamit pansimula ng mga biktima ng krisis sa Marawi. 

Sa tala ng Department of Social Welfare and Development, nasa mahigit 338,000 na ang mga 'bakwit' sa gitna ng patuloy na sagupaan ng puwersa ng gobyerno at grupong Maute sa Marawi City. 

Habang tuloy ang putukan sa Marawi, tuloy din ang apela ng mga 'bakwit' ng tulong.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.