Binatilyo, nadaganan ng posteng naatrasan ng jeep

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2017 08:27 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Duguan ang 15 anyos na binatilyong si Clifford Vergara matapos madaganan ng poste ng arko sa General Mariano Alvarez, Cavite nitong Biyernes, Hunyo 16.

Nag-viral ang video kung saan makikitang tulong-tulong ang mga residente na iangat ang natumbang poste sa biktima habang sinusubukan ng kaniyang inang buhatin ang nadaganang anak.

Ayon sa mga nakakita sa insidente, isang pampasaherong jeep ang bumulusok paatras at sumalpok sa poste ng arko.

Giit ng driver ng jeep na si Cresenciano Naparato, aksidente lang ang nangyari dahil hindi gumana ang kaniyang preno. Humihingi siya ng tawad sa biktima at sa kaniyang pamilya dahil sa nangyari.

Nasa pagamutan pa rin ngayon ang biktima habang nasa kulungan si Naparato na kakasuhan ng reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to properties.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.