Kadamay, 'binantayan' lang ang mga pabahay sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 01:42 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

MANILA - Iginiit ng grupong Kadamay na wala silang balak okupahin ang mga pabahay sa Rodriguez, Rizal, sa kabila ng pagsugod ng daan-daan nilang miyembro sa komunidad noong Miyerkoles.

Ayon kay Kadamay National Chairperson Gloria "Ka Bea" Arellano, binantayan lamang ng grupo ang mga pabahay sa Rizal na umano'y ipinapangalan na sa ibang benipisyaryo na hindi bahagi ng Kadamay.

"Napag-alaman ng mga grupo ng mga homeless na marami nang pumapasok doon na dumadaan sa LGU (local government unit) at sa NHA (National Housing Authority)," ani Arellano sa isang panayam sa DZMM.

"Ang sinasabi nila, hindi pa tayo kinakausap ng NHA baka naman tayo ay mauubusan (ng pabahay)," dagdag ni Arellano.

Ayon sa NHA, nakalaan para sa mga pulis at mga sundalo na nagbabayad ng amilyar sa gobyerno kada buwan ang mga pabahay sa naturang lugar.

Ang isang polisiya na pinapayagan ang NHA na ilaan ang ibang pabahay sa mga miyembro ng Kadamay at ibang maralitang grupo ay hindi pa naipapasa ng Kongreso.

Iginiit naman ni Arellano na handa ang Kadamay na sumailalim sa tamang proseso ng pabahay at lumagda sa ilang kasunduan na magbabayad din sila ng amilyar sa pamahalaan.

"Naniniwala din kami na walang libre," sabi ni Arellano.

"Hindi totoo na hindi kami pipirma sa kontrata pero ang usapan namin ng NHA, bago magpirmahan, kailangan magkaron muna ng pulong bayan para maipaliwanag sa amin ang laman ng kasunduan," dagdag nito.