Pangako ng Militar: Bandila, iwawagayway sa Marawi sa Araw ng Kalayaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 07:58 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Iba’t ibang pagdiriwang ang inihanda para gunitain ang ika-119 ‘Araw ng Kalayaan’ bukas, Hunyo 12.

Pinakatatatak na marahil ang ipinangako ng militar na iwawagayway sa Marawi ang bandila ng Pilipinas. Simbolo rin ito na hindi masasasayang ang buhay na ibinuwis mula sa hanay ng gobyerno para magapi ang teroristang Maute.

Kanina, dumating ang pulis ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na may dalang 80 watawat. Inilagay nila ang mga ito sa mga komunidad na nilikas ng mga sibilyan. Wala mang mga residenteng makakakita sa mga bandila, sana raw ay magsilbi pa rin itong inspirasyon sa mga magigiting na tagapagtanggol ng bayan.

Nagpulong naman ang 24 sa 39 na alkalde ng Lanao del Sur. Sumentro ang talakayan kung paano pipigilang makarating sa iba pang munisipalidad ang mga terorista.

Gusto ng mga alkalde na bigyan ng armas ang ilang civilian volunteers para maprotektahan ang kanilang mga bayan. 

Pero para kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, di pa ito ang tamang panahon para armasan ang civilian volunteers.

Sa Maynila, inihahanda na ang Luneta Park para sa flag-raising ceremony na pangungunahan nina Presidente Rodrigo Duterte at Bise Presidente Leni Robredo. Kinansela na ng Pangulo ang vin d'honneur sa Malacañang para mas mapagtuunan ng pansin ang mga nangyayari sa Mindanao.

Iwawagayway rin ang bandila sa mansyon sa Kawit, Cavite kung saan unang idineklara ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa mga Kastila.

Ayon kay Paulette Bedrez, curator ng Aguinaldo Shrine, higit kailanman, sa mga panahong ito dapat lalong maipaunawa sa kabataan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kasarinlan.

Sa Iloilo, gugunitain din ng mga taga-Santa Barbara ang kabayanihan ni Heneral Martin Delgado, ang bayani ng Panay, na nanguna sa pagtataas ng bandila ng Pilipinas sa Kabisayaan noong Nobyembre 1898.


-- Ulat nina Abner Mercado at Jeff Canoy, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.