ALAMIN: Paano tinutulungang gumaling ang mga nalululong sa sugal, droga

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2017 02:23 AM | Updated as of Jun 07 2017 12:31 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Droga at sugal ang karaniwang sumisira sa pagkatao ng mga nalululong dito. Kapag hindi naagapan, maaaring maapektuhan pati ang buhay ng pamilya at ibang tao.

Maraming pasilidad at mga grupo sa Pilipinas ang tumutulong sa rehabilitasyon ng mga tinatawag ng lipunan na 'adik'.

Kasali na rito ang grupong 'Gambling Anonymous', ayon kay Dr. Edwin Bien as panayam sa kanya sa 'Magandang Gabi Dok' sa DZMM.

Dahil karaniwang nakararanas din ng depresiyon ang mga nalululong sa sugal, mahalagang magkaroon ng support group ang mga ito. Sa 'Gambling Anonymous', mayroong 12-step meeting o consultation na makatutulong upang matuldukan ang pagkalulong.

Karaniwang binibigyan din ng anti-depressants ang mga nalululong sa sugal at mayroon ding sumasailalim sa mga cognitive behavioral therapies.

Sakaling nais makipag-ugnayan sa 'Gambling Anonymous', maaaring tumawag o magtext sa 0999 414 5144.

Spiritwalidad, tinututukan sa isang rehabilitation center

Isang pasilidad naman ang nagbukas siyam na taon na ang nakalipas para sa mga sumasailalim sa rehabilitation program sa mga lulong sa drogram.

Estudyante ang tawag sa mga nasa rehabilitation center na Center for Christian Recovery. Ilan sa mga naging estudyante ay sina alyas 'William' at 'Harry'.

Sa center na ito dumadaan sa rehabilitation ang mga nalulong sa droga at sugal.

Pagtuntong ni William ng 23 hanggang 26 anyos, umabot sa sukdulan ang kanyang pagkalulong sa pagsusugal sa casino. Nakapagpatalo na rin siya ng halos siyam na milyong piso sa casino.

"'Yung kapag nanalo ka, ibang high 'yun, tapos pag natalo ka, bababa. Maghahanap ka na naman ng laro para ma-reach mo uli 'yung feeling na high ka ulit. Parang droga talaga," aniya.

Kombinasyon naman ng droga at sugal ang bisyong sumira sa buhay ni Harry.

Dumadaan sa counselling tungo sa pagbabago ang mga estudyante hanggang sa talikuran na nila ang pagkalulong sa bisyo.

Iba ang paraan ng gamutan dito. Target nito ang kaibuturan ng pagkatao na natabunan ng bisyo.

"Unang una, 'yung spirituality nila na nasira ng addiction ang ibinabalik natin dito," ayon kay Davis Dakis, program director ng Center for Christian Recovery.

Bumabalik na lamang sa pasilidad si William para sa kanyang follow up rehabilitation program.

Laking pasalamat nina Harry at William sa kanilang pamilya na nanghikayat sa kanilang pumasok sa center.

"Sabi ko, tama na. Marami na akong nasasaktan sa ginagawa ko. Pati mga magulang ko, kaya nagdesisyon na rin ako akong magpunta dito," ayon kay William.

Hinihikayat naman ni Harry ang mga tao na huwag nang subukan ang mga bisyo.

"Huwag na nilang subukan dahil hindi nila malalaman kung ano ang sisirain nito sa kanilang buhay," sabi ni Harry.

Bukas ang Center for Christian Recovery sa lahat ng nangangailangan ng tulong.

Para kina William at Harry, at sa mga gaya nilang nasa center, higit sa suporta ng pamilya, komunidad, at ng ganitong pasilidad, kailangang bukal sa kalooban ang pagpapasailalim sa rehabilitasyon para buo rin ang pag-ahon mula sa matinding pagkagumon.

-- May ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.