Murang school supplies, maaaring bilhin sa 'Diskwento Caravan'

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 03:16 AM | Updated as of Jun 01 2017 03:00 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Umarangkada na ang 'Diskwento Caravan' ng Department of Trade and Industry (DTI) kung saan puwedeng makabili ng mas mura ngunit de kalidad pa rin na school supplies sa gitna ng paghahanda sa pasukan.

Samantala, may school supplies naman sa ilang pamilihan na nakumpiska ang ahensiya dahil sa pagiging depektibo.

Nagbukas na ang 'Diskwento Caravan' ng DTI sa ilang lungsod gaya ng Makati, Cagayan de Oro, Catanduanes, at Zamboanga.

Sa DTI Main office sa Makati, may limang porsiyentong diskuwento sa lahat ng gamit pang-eskuwela.

Mas makamumura din kung bundle packs ang bibilhin: P150 lamang ang halaga ng bundle pack na may 10 notebook, dalawang ballpen, at dalawang lapis.

Nasa halagang P175 naman para sa bundle pack para sa mga project na naglalaman ng krayola, gunting, glue, lapis, pambura, at pantasa.

Paalala naman ng DTI sa mga mamimili, patuloy na maging mapanuri para masigurong de kalidad at ligtas na gamitin ng mga bata ang mga produktong binibili.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.