Babaeng nangako ng trabaho sa ibang bansa, arestado

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 12:20 PM | Updated as of May 31 2017 01:38 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Arestado ang isang illegal recruiter na nanghingi umano ng libu-libong halaga sa kanyang mga biktima kapalit ng pangakong trabaho sa ibang bansa.

Labis ang panghihinayang ng 26-anyos na si Ricardo. Hiniwalayan siya ng asawa matapos ang sunud-sunod na away sa pera. Lumalala ang problema nila nang galawin ni Ricardo ang ipon nilang P20,000 at ipinambayad bilang processing fee sa trabaho abroad na inaalok ng recruiter na si Maria Clara Mabaquiao.
    
Kaya’t ganun na lang ang galit ni Ricardo kay Mabaquiao nang magkaharap sila sa Manila Police District General Assignment Investigation Section.

Dumating din ang iba pang biktima umano ni Mabaquiao nang malamang hawak na ng pulis ang umano’y nambiktima sa kanila. 

Pinangakuan umano sila ni Mabaquiao na makakapagtrabaho sa isang hotel sa Palau matapos magbayad ng P80,000. 

Ilang buwan lang daw ang hihintayin nila, pero inabot na ito ng taon. 

Katwiran naman ni Mabaquiao, na-delay lang ang pag-alis nila.

Dating OFW, at dati ring nagtrabaho sa isang recruitment agency si Mabaquiao.

Pero ayon sa pulis, ilegal ang operasyon niya dahil wala siyang permit. Wala ring opisina ang suspek at kung saan saan lang kinakausap ang mga aplikante. 

Kinasuhan na ng large scale estafa ng mga biktima si Mabaquiao. – Umagang kay Ganda, 31 May 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.