18 miyembro ng pamilya Maute at Bandrang, sumuko sa NBI

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 03:36 AM | Updated as of Jun 02 2017 12:45 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Sumuko sa National Bureau of Investigation ang 18 miyembro ng pamilya Maute at Bandrang na ipinaaresto dahil sa umano'y rebelyon. 

Wala raw silang kaugnayan sa grupong Maute na nanggugulo sa Marawi.

Lumutang sa NBI ang mga miyembro ng dalawang nasabing pamilya upang linisin ang kanilang pangalan sa anumang koneksiyon sa grupong Maute, na nasa likod ng panggugulo sa Marawi City. 

Nakakuha ng kopya ng confidential report mula sa intelligence community ang padre de pamilya ng Maute, ayon sa kanyang kuwento. Ang report na ito ay ipinadala umano sa tanggapan ng Pangulo.

Sa report na ito, 18 sa pamilya ng padre de pamilya ang kasama sa listahan, kabilang na ang isang dalawang taong gulang at isang 10 taong gulang, kaya labis aniya itong ikinabahala ng ama. 

Nilinaw din ng mga ito na ang pamilya nila ay mula sa Molondo, Lanao del Sur na malayo sa Butig, Lanao del Sur, ang pinagmulan ng Maute group na nanggulo sa Marawi. 

Bagama't kusang lumutang ang 18 sa NBI, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na idadaan pa rin nila ito sa standard operating procedure (SOP) gaya ng pagkuha ng kanilang biometrics, para masigurong wala silang derogatory records o anumang kaugnayan sa panggugulo ng Maute sa Marawi. 

Isasailalim din ang mga ito sa medical examination bilang bahagi pa rin ng SOP. 

Ayon sa abogado ng pamilya Maute at Bandrang, lilipad sana ang mga ito patungong Saudi Arabia para dumalo sa 'Umra' o small hajj, pero hindi na natuloy matapos sumiklab ang gulo sa Marawi City at mapasama sa listahan ng mga ipinaaaresto ang kanilang pamilya. -- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.