Mga sundalong kasama sa bakbakan sa Marawi, binisita ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 04:09 AM | Updated as of May 27 2017 07:29 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalong kasama sa operasyong ginagawa sa Marawi City.

Nagtungo ang pangulo sa kampo ng 2nd Mechanized Infantry Division at hinarap ang Marines at Army na naghahandang tumulak papuntang Marawi.

Sinabihan sila ng pangulo na huwag matakot at gawin lang ang trabaho nila, kahit martial law.

Tiniyak din niya na sapat ang armas ng mga sundalo at umuutang pa siya ngayon sa Russia para madagdagan ito.

Nakahanda rin ang mga ospital ng gobyerno para magamot ang mga masusugatan.

Dagdag pa ni Duterte, kung malakas-lakas daw siya ay sasamahan pa niya ang mga sundalo sa bakbakan.

“Ako kung puwede lang akong makisali sa inyo, sasalo ako, ang isang kilometro sa akin. Wala na… Gusto ko ‘yang baril-barilan," Ani Duterte. "Huwag kayong mag-alala, if you go down, I go down. The consequences and ramifications, I and I alone would be responsible,” ayon kay Duterte.

Ayon naman kay General Eduardo Año, ayaw na nila patagalin ang martial law. Limitado na sa Marawi ang bakbakan at iniiwasan na lang nilang may iba pang grupong makapasok, para suportahan ang Maute at mga armadong grupo.

Siniguro rin ni Año na hindi maaabuso ang martial law at kung mayroon man magtatangka, sinabi niyang isumbong sa kanya para maimbestigahan agad.

Samantala, dinalaw din ni Duterte sa Iligan City ang mga nasawi at nasugatan sa bakbakan sa Marawi City. 

Sumaludo si Pangulong Duterte sa labi ni Sgt. Marlon Baldovino na nakahimlay sa St. Peter's Funeral Homes sa Iligan City Biyernes. Kabilang si Baldovino sa mga napatay nang umatake ang mga terorista sa Marawi noong Martes. Presidential Photo

Sinaluduhan ng pangulo at binigyan ng medalya ang limang sundalo na napatay sa bakbakan.

Binisita rin niya ang mga sundalo at pulis na nasugatan sa bakbakan at binigyan ng medal, cash assistance, cellphone, at iba pang gamit.

Ginawaran ni Pangulong Duterte ng medalya si Corporal Jovelou Caka na kanyang binisita sa Adventist Medical Center sa Iligan City nitong Biyernes. Kabilang si Caka sa mga sugatan sa bakbakan sa Marawi City. Presidential photo

Pero hindi na natuloy ang inaasahang pakikipagkita sana ng Pangulo sa mga evacuee, kaya ang taga-City Social Welfare and Development na lang ang namahagi ng food packs at relief goods.

-- Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.