Academic track, mas patok sa mga estudyante kumpara sa tech-voc

ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 01:42 AM | Updated as of May 23 2017 11:16 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Malaking bahagi ng mga estudyante sa senior high school ang kumukuha ng academic track kumpara sa technical, vocational track. Patunay umano ito na maraming kabataan ang may gustong makakuha ng trabahong may malaking suweldo, ayon sa Department of Education.

Ngayong taon din papasok ang unang batch ng Grade 12, o ang huling taon ng senior high school kaya't puspusan ang paghahanda ngayon ng DepEd.

Mahigit 60 porsiyento ng mga estudyante sa Grade 11 ang pumipili ng academic track na kinabibilangan ng science, technology, engineering, math, accountancy, business, at management.

Isa sa mga estudyanteng ito ang incoming Grade 9 student na si Mike Alegado. Sabik na umano siya sa pagkuha ng track na ito.

"Excited na ako. Gusto kong matuto ng iba't ibang lengguwahe," sabi ni Alegado.

Magandang balita umano ito, ayon kay DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali.

"[Ito'y] paniniwala na gusto natin, white-collared job para kumita ng malaki," ani Umali.

Gayunpaman, masaya pa rin si Umali na halos 40 porsiyento ang pumili ng technical vocational track, kagaya ng home economics at agri-fishery.

Sinusubukang solusyunan naman ang kakulangan sa class room para sa pagpasok ngayong taon ng unang batch ng mga estudyante sa Grade 12.

"Mapipilitan tayong pakiusapan sila na lumipat sa ibang pampublikong paaralan. We still do shifting in some schools sa Metro Manila," ayon kay Umali.

Mahalaga rin umano ang pagsasagawa ng assessment sa dami ng mga estudyanteng nag-eenroll.

"Importante sa assessment natin kung gaano karami ba ang nag-enroll sa Grade 11 at saan sila napunta," ayon kay Rep. Antonio Tinio ng ACT-TEACHER.

Dagdag pa ni Umali, maraming classroom na ang pinagagawa ngayon, at mayroon din namang subsidy o funding ang gobyerno sa mga gustong lumipat sa private school, kagaya ng voucher program.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.