Yolanda survivors, umapela kay Duterte na tanggapin ang tulong ng EU

ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 05:40 AM | Updated as of May 20 2017 04:00 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Hiniling ng mga nakaligtas sa bagyong Yolanda na huwag sanang tanggihan ng gobyerno ang ayuda mula sa European Union (EU). Ilang Yolanda survivors kasi ang nabigyan na ng bahay na pinondohoan ng EU. 

Naipatayo ang mga pabahay sa UNDP Village sa Tacloban para sa 55 pamilyang nakaligtas sa hagupit ng bagyong 'Yolanda' noong 2013 dahil sa ayuda mula sa EU. 

Kaya para sa isa sa mga residenteng si Ruth Grefiel, kung wala ang tulong mula sa ibang bansa, hindi pa siguro umano sila magkakaroon ng matibay na bahay. 

"Hindi naman masama kung may maitutulong 'yung European Union sa atin sa Pilipinas, kasi ang bahay naman, maganda," ani Grefiel. 

Umaasa naman ang isa pang residenteng si Erlinda Pilapil na may magbibigay pa ng tulong sa kanila. Sila umano ang sapul sa pagtanggi sa ayuda. 

"Kung hindi na sila magbibigay ng tulong, hindi na kami makatatanggap ng tulong, at malaki ang epekto sa amin," ayon kay Pilapil. 

Hiling nila ngayon ay tanggapin ng kasalukuyang administrasyon ang anumang tulong mula EU, kagaya ng makatutulong sa kanilang kabuhayan. 

Dinepensahan naman ni Foreign Affars Secretary Alan Peter Cayetano ang desisyon ng pangulo na tanggihan ang 250 milyon euros o P13.89 bilyon na tulong mula sa European Union. 

Tinanggihan ito ng administrasyong Duterte dahil may kalakip umano itong kondisyon na maaring maging mapang-himasok sa internal affairs ng bansa. 

Ang pondo ay gagamitin sana sa mga development projects mula taong ito hanggang 2020. 

Giit ni Cayetano, kailangan nang tumayo ng bansa sa sariling mga paa.

"The Duterte administration will remain open to the idea of accepting a future EU assistance, provided that there is 'no strings attached' on the help being offered," sabi ni Cayetano.

Hati naman ang ilang mambabatas. 

"While he rejects assistance from the European Union (EU) because of alleged conditions related to his bloody campaign against drugs, he accepts Chinese pledges of aid and investments despite the overriding condition that the Philippines must not enforce against China the UN-supported arbitral decision of the United Nations Arbitral Tribunal," puna ni Albay Rep. Edcel Lagman. 

Pinapatukuyan ni Lagman ang pagtanggap ni Pangulong Duterte sa ayuda mula sa Tsina sa kabila ng pagbalewala nito sa pagkapanalo ng Pilipinas sa kaso nito laban sa pag-angkin ng mga Tsino sa halos kabuuan ng South China Sea. 

"Self-determination and sovereignty do not have a price, which was what the Duterte administration had shown in its decision to stop aid from the European Union. That has strings attached that interferes in the internal affairs of the country," sabi naman ni Quezon City Rep. Winston Castelo na pabor sa desisyon ng Malakanyang. 

Kailangan din umano munang pag-aralan ng foreign governments kung may basehan ang mga alegasyong sangkot ang pangulo sa extra-judicial killings. -- Ulat ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.