AWOL na pulis, nahulihan ng mga baril at droga

ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 12:17 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Tikom ang bibig ng isang nag-AWOL na pulis nang maaresto sa Binondo, Maynila matapos makuhanan ng mga baril at droga.

Kinilala itong si PO1 Cornelio Juanitas Jr., dating nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit ng National Capital Region Police Office.

Nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang Manila Police District Station 11 na may armadong lalaki sa Parola Compound.

Agad rumesponde ang mga pulis at nahuli ang suspek.

Narekober mula sa suspek ang dalawang kalibre .45, isang kalibre .38, isang silencer, samu't saring bala, at gato na ginagamit sa paggawa ng mga improvised na baril.

Isasailalim sa pagsusuri ang mga nakumpiskang baril para malaman kung nagamit ang mga ito sa mga iligal na aktibidad.

Inaalam na rin kung sangkot si Juanitas sa gun-for-hire.

Bukod sa mga baril, nakuha rin kay Juanitas ang isang sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Nag-AWOL sa serbisyo si Juanitas noong Agosto 2015.

Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act. – Umagang kay Ganda, 19 May 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.