Bagong tahanan para sa mga batang-lansangan

ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 02:24 AM | Updated as of May 20 2017 02:31 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Isa sa mga nananatiling problemang panlipunan ay ang mga batang-lansangan. 

Pero sa tulong ng mga itinayong activity center sa ilang lungsod, nabigyan ng bagong tahanan at pangalawang pagkakataon ang ilang batang palaboy-laboy sa daan.

Ang activity center ay isang ligtas na lugar sa komunidad na puwedeng puntahan ng mga kabataan sa halip na magpalaboy-laboy sa lansangan.

Pinapakain ang mga bata sa activity center at tinuturuan sila ng basic education, arts and crafts. 

Tinuturo rin sa mga bata ang tamang asal at pakikitungo sa kapwa at proper hygiene.

Ipinatutupad ito ng mga lokal na pamahalaan at non-government organization sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kuwento ng isang bata na na-rescue at dinala sa activity center, itinuturing niya nang tahanan ang pasilidad dahil wala siyang pamilyang mauuwian.

Ang batang lansangan naman na si ‘Ana’, imbes na magdamag na nasa kalsada at nangangalakal, sa activity center ng Barangay Pinagbuhatan sa Pasig na pumupunta para matuto magsulat at magbasa.

Bagama't marami nang batang lansangan na natutulungan ang mga activity center na ito, may ilan pa rin silang pangangailangan kaya humihingi sila ng tulong sa iba pang sektor.

Anila, pag-asa at pangalawang pagkakataon ang ibinibigay ng activity centers na ito sa mga bata kaya't nais nilang madagdagan pa ito para mas marami ang matulungan.

Sa kasalukuyan ay may 52 activity centers na sa National Capital Region.

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.