Pinakamainit na temperatura sa Dagupan ngayong taon, naitala

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 05:45 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Naranasan sa Dagupan City kahapon, Miyerkoles, ang maituturing na pinakamainit na temperatura ngayong taon.

Pumalo sa 37.8 degrees celsius ang temperatura sa lungsod.

Sa pakiramdam ng katawan o heat index, umaabot ito sa 46 degrees celsius.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahan na ang temperaturang ito lalo na’t ngayong Mayo ang kasagsagan ng maalinsangang panahon, pero wala naman umanong indikasyon na magkakaroon ng El Niño.

Wala ring nakikitang dahilan ang City Agriculture ng Dagupan para magpatupad ng force harvest sa mga palaisdaan.

“Suwerte na kaunti kasi ‘pag umuulan, high tide. Although, hindi kami nagkulang sa pagpapaalala na maging mapagbantay sila,” ayon kay Emma Molina, City Agriculturist ng Dagupan.

Ang diskarte naman ng ilang caretaker ng palaisdaan tulad ni Mang Ming, ibenebenta na nila ang mga bangus habang maliliit pa.

“Kung may bibili na maliit iyon, ibebenta. Mas maganda pang umulan nang malakas nang hindi masyadong mainit ang tubig,” ani Mang Ming. 

Dagdag-abiso ng City Agriculture sa bangus growers, huwag mag-overstock mula sa kapasidad ng fishpond para maiwasan ang pagkamatay ng mga isda.

-- Ulat mula sa Headline Pilipinas, Huwebes, 11 Mayo 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.