HULI sa CCTV: Pananalisi sa loob ng fastfood chain

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 08:14 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Kitang-kita sa kuha ng CCTV ang pananalisi ng dalawang babae sa bag ng isang kumakain sa fast food chain sa Legazpi City.

Kita sa footage ang babaeng nakatayo habang hinihintay ang mga batang makaalis sa mesa. Maya-maya, umupo na ito kasama ang isa pang babae na pumuwesto sa kanyang harapan.

Sa video rin makikita ang isang bag na nakalagay sa isang upuan na puntirya na pala ng dalawang babaeng tila magkasabwat.

Lumipat sa kabilang upuan ang babae hanggang sa pa-simpleng hinila ang upuan palapit sa kanya. Ilang segundo pa ang lumipas, tuluyan na nitong natangay ang bag.

Ang nanakaw na bag ay pagmamay-ari ng 68-anyos na retiradong empleyado ng lokal na pamahalaan ng Legazpi at kasalukuyang chief-of-staff ng isang konsehal sa lungsod.

Kwento niya, abala sila sa pag-uusap ng kanyang tiyahin ng mga oras na 'yun kaya hindi niya napansin ang babaeng dumidiskarte na pala para makuha ang kanyang bag.

“Hindi ko talaga alam na ganun ang mangyayari. Nabigla na lang ako nung hinanap ko na ang bag ko tapos tiningnan na sa CCTV,” pahayag ng biktima.

Pasalamat na lang ang biktima na P150 at isang dolyar lang ang laman ng kanyang bag. Ang dokumentong kailangan lang daw ng kanyang anak sa paga-apply ng trabaho ang pinaka-importanteng laman ng bag.

Umaasa ang biktima na makikilala at mahuhuli pa ang dalawang babae sa tulong ng CCTV footage.

“Kasi kung may naka-monitor sa CCTV, mahuhuli na sana 'yung dalawa,” sabi pa niya.
 
Sa ngayon, patuloy pang pinaghahanap ng pulisya ang dalawang babaeng suspek sa pananalisi. Nagbigay na rin sila ng paalala sa publiko para makaiwas na maging biktima ng mga ganitong klaseng modus.

“'Wag bigyan ng oportunidad kasi andiyan lang ang mga yan naghahanap ng mga mabibiktima,” sabi ni Superintendent Nilo Berdin.

Ito raw ang pinakaunang insidente ng pananalisi sa loob ng isang fast food chain na nasa loob ng mall sa Legazpi. -- Ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.