Basura at hukay sa daan, idinulog sa Bayan Mo, Ipatrol Mo

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 11:06 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Naresolba ang problema sa tambak na basura at delikadong hukay sa kalsada na idinulog ng Bayan Patrollers.

Inireklamo ni Bayan Patroller Azenith Castalone ang sako-sakong basura na tatlong linggo nang nakatambak sa gilid ng daan sa Brgy. Quisao Sa Pililia, Rizal.

Ayon sa Bayan Patroller, panay ang reklamo niya sa barangay pero sira daw ang truck na kumukolekta ng basura.

Inilapit ng Bayan Mo Ipatrol Mo ang reklamo sa munisipyo ng Pililia at matapos ang dalawang araw, kinolekta na ng waste management department ang basura.

Lumusot naman sa hukay ng DPWH project sa may 14th Ave. cor. P. Tuazon sa Cubao ang gulong ng sasakyan ni Bayan Patroller Zian Casasis. Ayon sa Patroller, wala ni isang karatula o harang sa paligid ng hukay kaya dire-diretso siya sa pagmamaneho.
    
Mabuti na lang daw tinulungan siya ng mga residente na maialis ang kanyang sasakyan sa lugar. Pero nangangamba siya na sa susunod ay baka tao na ang mahulog dito.

Matapos i-report ng Bayan Mo Ipatrol mo sa engineering department ng Quezon City, tinakpan na ang isang bahagi ng hukay at naglagay na rin ng harang para maiwasan ang iba pang aksidente.
    
-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News