Mga 'pampasikip' sa Roxas Blvd. service road, pinaalis

ABS-CBN News

Posted at May 08 2017 08:21 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Isang batalyong tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dumating kanina sa Roxas Boulevard para sabay-sabay na alisin ang orange plastic barriers bilang hudyat na bukas na ang service roads.

Ayon sa MMDA, gobyerno ang may-ari ng service roads kaya dapat magamit ng mga motorista. Mahigpit nang ipinagbabawal ang pagparada o kahit paghihintay ng mga sasakyan doon.

Sa ngayon, sinaway at pinagsabihan lang muna ang mga lumabag. Pero paalala ng MMDA, simula bukas, may katapat ng tiket ang mga pasaway. Hahatakin na rin ang mga sasakyang iligal na paparada. Kanina, hinatak ang isang sasakyang iligal na nakaparada sa daan.

Matutubos ang hinatak na sasakyan sa Marikina o sa Pasig. Bawat araw na naka-impound, may kaukulang bayad o storage fee.

Mangiyak-ngiyak ang isang vendor nang malamang hindi na siya puwedeng magtinda sa lugar. Sa pagtitinda niya lang daw kinukuha ang pantustos sa pag-aaral ng apo. Hiling niya, bigyan siya ng malilipatang pagtitindahan.

Ililipat naman siya sa bagong terminal ng provincial buses sa may Buendia.

May street sweeper ding sinita habang natutulog sa kanyang duyan. Binaklas ang kanyang duyan.

Lalong di nakaligtas ang construction site ng isang malaking hotel dahil dalawang lanes ng service road ang inokupa nito at ginawang tambakan ng mga gamit. Binigyan ng MMDA ng tatlong araw para bakantehin ng contractor ang service road.

Binaklas din ng MMDA maging ang isang hotel na nakausli raw ang bubong sa daan, isang garden sa service road bandang Pasay, at maging ang concrete barriers ng US Embassy.

Umaasa ang MMDA na mapapaluwag nito ang trapiko sa Roxas Boulevard.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.