Basura, nagkalat matapos ang Bangus Festival

ABS-CBN News

Posted at May 03 2017 04:58 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Matapos ang masayang Bangus Festival 2017, naiwan ang nagkalat na basura sa kalsada at maging sa mga palaisdaan.

Parang walang nangyari sa De Venecia Highway Extension ng Dagupan City kung saan dinaos ang "Kalutan ed Dalan" o Ihawan sa Daan at street party noong Linggo ng gabi bilang bahagi ng Bangus Festival 2017.
 
Pero sa likod ng mga concrete barrier, nakatago ang kalat na iniwan ng pagdiriwang.
 
Mga plastic, paper cups and plates, bote ng beer pati aluminum foil na pinambalot sa inihaw na isda.
 
Sa ilang palaisdaan, may mga lumulutang na ring basura.
 
"Taun-taon yan. Talagang hindi mo maiwasan talaga yung mga kuwan na malalaglag. Ililipad ng hangin,” sabi ni Jun Salayog, fishpond caretaker.

Sa dami ng basura, aminado ang local government unit na hindi nila malilinis ang kalat agad-agad.

"Naka-schedule naman kami. Wala namang problema kaya lang hindi na kami nagdagdag ng tao so ginagawa ho namin talaga phase by phase lang," paliwanag ni Mayor Belen Fernandez.
 
Pagkatapos ng panayam, nag deploy agad ng street cleaners ang Waste Management Division para magwalis sa gilid ng Calmay River.

Mas makatutulong daw sana kung may sarili rin disiplina libu-libong dumalo sa street party.

Nagkaroon din ng evaluation meeting ang lungsod para matukoy ang mga naging problema pati na sa basura at magawan ng aksyon sa susunod na pagdaraos ng Bangus Festival. – Headline Pilipinas, 3 May 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.