Sapul sa CCTV: P100k nakulimbat ng salisi

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 11:07 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nasapul sa CCTV ang pananalisi sa isang tindahan kung saan natangay ang bag na may laman na halos P100,000 na cash at cheke sa Bato, Camarines Sur. 

Kita sa CCTV ang tatlong beses na pagtangkang pagnanakaw ng suspek.

Sa unang subok ng suspek, alas 10:24 ng umaga pumasok siya sa tindahan pero agad lumabas nang may dumating na kustomer. 

Alas 10:33, bumalik sa tindahan ang lalaki galing sa kabilang kalsada. Dumiretso siya sa may lalagyan ng pera at may kinuhang bag ngunit agad niya itong binalik nang may dumating na tricycle.

Makalipas ang halos 4 na minuto, isang puting van ang pumarada sa may tindahan. Lumabas dito ang parehong lalaki at nang maka-tiyempo, bumalik sa lalagyan ng pera at saka kinuha ang bag.

Ayon kay Jose Aguilar, may-ari ng tindahan, maaari umanong nasundan sila nang suspek. 

“Parang nasundan na kami. Hindi ko naman talaga nilalagay ‘yun dito kaso pagdating namin maraming bumibili [kaya] tumulong na ako,” ani Aguilar. 

Nadiskubreng nawawala ang bag pasado alas 11 ng umaga.

Ayon sa otoridad, posibleng dayo ang lalaki na may kakuntsaba na hindi bababa sa 2.

“May posibilidad na ito'y isang grupo o sindikato. First time na may sasakyan ang suspek. Hindi mapagkakamalang gagawa nun,” ayon kay SPO1 Paul Paloma, imbestigador ng Bato Municipal Police Station.

Nanawagan naman si Aguilar sa mga posibleng nakakakilala sa nanalisi sa kanilang tindahan na makipagtulungan sa mga pulis. - Umagang Kay Ganda, Abril 21, 2017