Ilang bata sa Lanao, na-trauma sa lindol: PDRRMO

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2017 11:47 AM | Updated as of Apr 12 2017 12:56 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

MANILA - Nakaranas ng trauma ang ilang bata matapos yanigin ng magnitude 6.0 na lindol ang Wao, Lanao del Sur ngayong Miyerkules, ayon sa disaster office ng bayan.

"Iyung mga bata, ayaw munang pumasok sa kanilang mga bahay kasi nakikita raw nila kaninang umaga na nagsasayaw ang wall nila," ani Francis Garcia ng Disaster Risk Reduction and Management Office.

Alas-5:21 ng madaling-araw tumama ang lindol sa Wao, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Naramdaman ang pagyanig hanggang sa Davao City, Cagayan De Oro City, Cotabato City at Misamis Oriental.

Nakapagtala na ang Phivolcs ng 9 aftershocks, hanggang alas-9:45 Huwebes ng umaga.

Napinsala ng mga pagyanig ang ilang gusali sa Wao, kabilang ang Panang National High School, 2 mosque at 30 bahay.

Sa kabila nito, nagsisimula nang magbalik sa normal ang sitwasyon sa bayan, ayon kay Garcia.

Katunayan anya ay nagbukas na ang karamihan ng mga opisina sa bayan lalo pa't ito na ang huling araw na may pasok sila ngayong Semana Santa.

Patungkol ni Garcia sa mga residente ng Wao, "Naka-smile pa naman kahit may trauma ang mga bata."

DZMM TeleRadyo, 12 Abril 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.