Perang nai-refund ng Sanofi, ipampagamot sa Dengvaxia patients: DOH

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 10:38 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

MANILA - Balak ng Department of Health na gamitin ang naibalik na P1.16 bilyon mula sa hindi nagamit na Dengvaxia bilang pampagamot sa mga nabakunahan ng dengue vaccine.
 
"Sumulat ako sa (Department of Budget and Management) at sa Senado at House (of Representatives) para ipagpaalam kung bigyan kami ng pahintulot na gamitin ito para sa mga gastusin sa pangangalaga ng ating mga Dengvaxia vaccinee na magkakaroon ng posibleng sakit sa hinarahap na panahon," ani DOH Secretary Francisco Duque III.

Sa panayam sa DZMM nitong Martes ng umaga, sinabi ni Duque na nasa Bureau of Treasury na ang pera at may certification na ng Commission on Audit.

Balak din nilang gamitin ang bahagi ng pera sa pagbili ng dengue kit na puwedeng makatulong sa pagmo-monitor ng kanilang mga anak kung may lagnat.

"Ang pakiusap ko sa DBM, sila na lang mag-bidding niyan kung papayagan nilang gamitin ang bahagi o kabuuan ng P1.16 billion refunded money," ani Duque.

Ipinatigil ng pamahalaan ang malawakang pagbabakuna ng Dengvaxia matapos maibunyag na maaaring maging sanhi ng mas grabeng sintomas ng dengue ang naturang vaccine sa mga nabakunahan nito na hindi pa nagkakaroon ng naturang sakit.

Pero bago tuluyang napatigil, may 830,000 kabataan na ang nabakunahan nito.

Samantala, inihayag din ni Duque na nakailang sulat na sila sa French pharmaceutical company na Sanofi Pasteur para sa pag-refund naman sa mga nagamit ng vaccine.

"Ayaw nga nila. Sinasabi nila na kapag ni-refund nila 'yun parang sinasabi nila na may depekto 'yung produkto. Sa akin naman, talagang may depekto 'yung produkto kasi the fact na nag-apply sila for label change with FDA (Food and Drug Administration), makikita na talagang may problema doon sa kanilang produkto," sabi ni Duque.

“Magsasampa tayo ng kaso together with the Office of the Solicitor General. 'Yung case build-up kailangan talagang very thorough kasi kung hindi naman baka naman we might be unwittingly setting up ourselves for an embarrassing legal defeat. Ayaw nating mangyari 'yun,” dagdag niya.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.