SAPUL SA CCTV: 2 babae, dinukot ang cellphone ng lolo sa botika

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2018 09:13 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan sa CCTV ang mismong pandurukot ng dalawang babae sa isang matandang lalaki habang nasa isang botika sa Barangay Pamplona Tres, Las Piñas.

Sa video, makikitang bumibili ng gamot ang biktimang si Ramon Palaca nang bigla siyang siksikin sa counter ng dalawang babae.

Target pala ng mga babae ang cellphone ni Palaca.

Sinungkit ng buntis na kawatan ang cellphone ni Palaca.

Agad din itong iniabot ng buntis sa kasamahan bago pasimpleng lumabas ng botika ang dalawa.

Cellphone lang ang nakuha kay Palaca pero labis pa rin ang kanyang panghihinayang dahil regalo iyon ng kaniyang anak.

Nang i-upload sa social media ang video, natuklasang marami na umanong nabiktima ang mga babae na kinilala ng barangay na magkapatid.
 
Nahuli na ang magkapatid noong nakaraang taon pero pinakawalan din dahil menor de edad ang isa sa kanila. 

Ayon sa barangay, nakaalerto na ang kanilang tauhan para manghuli sakaling mandukot muli sa barangay ang dalawa.

Paliwanag ni Kagawad Joseph Adan, hindi nila residente ang magkapatid pero sa kanilang lugar nambibiktima.

Hinikayat din ng barangay ang mga nabiktima ng magkapatid na magpunta sa barangay o sa pulis para makasuhan at mapanagot ang dalawa.

Samantala, sa parehong barangay, nahuli naman ang isang lalaking nandurukot sa mga estudyante.

Nasapul din ng CCTV ang pandurukot kaya mabilis na nakaresponde ang barangay at nadakip ng mga tanod ang lalaki.

-- Ulat nina Raphael Bosano at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.