Babala sa nais magtrabaho sa Japan: Huwag mag-refugee visa

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 12:16 AM | Updated as of Jan 30 2018 02:52 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Iniimbestigahan ngayon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang isang bagong illegal recruitment scheme kung saan ipinapadala sa Japan ang Pinoy workers gamit lang ang tourist visa.

Hindi kasi madaling makapagtrabaho sa Japan dahil hindi roon tumatanggap ng unskilled workers.

Kaya may ilang nag-aasam na makapagtrabaho sa Japan ang pumapatol sa ilegal na paraan.

Ayon sa POEA, P55,000 hanggang P95,000 ang singil ng sindikato kada aplikante kapalit ng mga ibibigay nilang pekeng dokumento gaya ng employment certificate at bank statement para patunayang may kakayahan itong maging turista.

Pagdating sa Japan at na-expire ang tourist visa, kalaunan ay pinapag-apply ang Pinoy workers ng refugee visa at pinagpapanggap na refugee para lang makapagpatuloy sa pagtatrabaho roon.

"Siyempre, titingnan din ng Japanese government, 'bakit unang-una nag-tourist [visa] ka, tapos magre-refugee visa ka?'" ani POEA Administrator Bernard Olalia. "Dapat lahat po ng deployment sa Japan, dadaan sa agency or doon sa government-to-government hiring natin."

Noong 2010, pinayagan ng Japan na mabigyan ng work permits ang may anim na buwang pending refugee visa application dahil inaabot ng taon o mahigit pa ang desisyon. 

Pero ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), paglabag ito sa 1951 Refugee Convention na nagsasabing mga biktima lang ng racial, political, o religious persecution ang maituturing na refugee.

"Refugee status is covered by the 1951 Refugee Convention, which defines REFUGEES as victims of racial, political, or religious persecution who are in need of asylum," saad ng pahayag ni Executive Director Raul Dado ng DFA-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs.

Nakikipagtulungan na ang Philippine Embassy sa Japan sa Japanese government para matigil ang ilegal na aktibidad at nakikiusap ding tratuhin nang maayos ang mga Pinoy na made-deport.

Saad ng pahayag ni Dado: "The Philippine Embassy in Tokyo currently works with the Japanese government in regulating the applications for refugee visas. Since repeated attempts at gaining refugee status illegally merits deportation, the Philippine government will negotiate that all deportations, if any, will be made in the manner of peaceful and orderly repatriations."

Sa report ng Japan Times, lilimitahan na ang work permits na ibibigay at hihigpitan ang screening sa refugee applicants dahil sa dami ng nananamantala sa sistema.

Nakikiusap naman ang POEA sa mga nabiktima ng "tourist-to-refugee illegal recruitment scheme" na magsampa ng reklamo para makasuhan ang sindikato na nasa likod nito.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.