Pasensiya muling hiling ng DOTr para sa MRT

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 09:21 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Muling humingi ang Department of Transportation (DOTr) ng pang-unawa at oras para maiayos ang MRT, na hindi pa rin balak pagpahingahin ng ahensiya. 

Nananawagan din ang DOTr sa ilang pasahero ng MRT na huwag maging pasaway sa gitna ng halos araw-araw na aberya sa MRT.

Kapag nasisiraan kasi ang MRT, may ilang pasahero raw ang nagpipilit buksan ang pinto para makalabas at maglakad sa riles.

"Lahat po tayo, may kontribusyon, may atang na pananagutan, ke mananakay ka, ke gobyerno ka, ke private enterprise ka, magsama-sama ho tayong tugunan," ani DOTr Secretary Arthur Tugade.

Humihingi ng dagdag na panahon ang DOTr para ayusin ang problema sa tren.

Gayunman, walang balak ang gobyerno na pansamantalang itigil ang operasyon ng tren.

Paliwanag ni DOTr Secretary Arthur Tugade, baka mas malaking problema ang kakaharapin ng nasa daan-daan libong pasahero ng MRT kung ihihinto pansamantala ang operasyon nito.

"Five hundred thousand po ang realidad ng namamasada diyan, kapag ititigil ko po 'yan [operasyon ng MRT] upang bigyang atensiyon 'yong mga na-i-inconvenience na pasahero, baka mas malaking headache po 'yan, pangmalawakang headache," ani Tugade.

Sa Huwebes, Pebrero 1, inaasahang darating na ang hindi bababa sa 50 engineers ng Sumitomo na nakatakdang ibalik bilang maintenance provider ng MRT.

Sa susunod na linggo rin inaasahan ang dating ng ilang spare parts para sa tren.

Tiniyak din ni Tugade na bukod sa pag-aayos ng tren, airconditioning at riles, hahatulan din nila sa mga susunod na buwan ang alok ng negosyanteng si Manny Pangilinan na bilhin ang buong MRT. 

Pero kahit mangyari ito, isusulong pa ring makasuhan ang mga dating opisyal, na ayon kay Tugade ay binaboy ang pamamahala sa MRT.

"Kung iko-compare ko sa isang estado, hindi lang ho binastos, hindi lang ho sinamantala--binaboy at ginahasa pa. Kailangan po 'yong may mga kakagawan na ganiyan ay dapat managot sa altar ng hustisya," ani Tugade. 

Kabilang sa mga kamalian, ayon kay Tugade, ang pagkuha ng maintenance provider at pagbili ng tren na hindi naman pala angkop sa riles ng MRT.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.