ALAMIN: Suweldo ng mga trabahong in-demand sa ibang bansa

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 12:00 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Taon-taong nagsasagawa ng survey sa mga employer ang isang international recruitment portal para malaman kung ano ang mga pinaka in-demand o kinakailangang trabaho sa iba-ibang bansa pati na ang katumbas na suweldo para rito.

Ayon sa workabroad.ph, hamak na mas mataas naman talaga ang salary package o pasahod sa ibang bansa, lalo na kung para sa skilled workers.

"Ang ating objective sa pag-publish ng report na ito ay para malaman ng ating publiko, ng mga Pilipino, kung ano 'yong pangangailangan na trabaho sa ibang bansa, ano'ng skills ba 'yong in-demand," paliwanag ni Cielo Sonza ng workabroad.ph.

"Maganda na rin na ipakita natin sa kanila kung ano'ng earning potential o ang suweldo," aniya.

Base sa survey, pinaka in-demand na mga trabaho ay:

- sea-based engineers
- healthcare professionals
- land-based engineers
- I.T. professionals. 

Ang isang shipmaster sa Amerika ay maaaring kumita ng P99,000 kada buwan na basic pay. 

P96,000 kada buwan naman ang maaaring kitain ng chief engineer. 

Ang isang doktor na nag-specialize sa pediatric care sa Middle East ay maaaring kumita ng P86,000 kada buwan, habang P65,000 naman kada buwan para sa mga nurse at P58,000 sa veterinarians. 

Ang land-based engineer na in-demand sa Middle East at Asia-Pacific ay maaaring kumita ng hanggang P59,000 kada buwan. 

Sa Asia-Pacific, ang I.T. professional na may hanggang apat na taong karanasan ay maaaring kumita ng hanggang P54,000 kada buwan. 

Narito rin ang listahan ng mga bansang nangungunang may trabaho para sa overseas Filipino workers noong 2018:

1. Saudi Arabia - 61,534
2. Qatar 16,083
3. UAE - 7,231
4. Kuwait - 5,310
5. Bahrain 3,725
6. Oman - 3,661
7. US - 3,017
8. New Zealand - 1,190
9. Malaysia - 1,094
10. Taiwan - 861

Paalala naman ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), hindi dapat sahod lang ang maging basehan sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

Mahalaga ring gusto ang trabaho at pati lugar na pupuntahan.

Importante ring accredited ng POEA ang recruitment agency para maiwasang maloko ng illegal recruiters.

Maaaring bisitahin ang www.poea.gov.ph para matiyak ang accreditation ng isang agency.

Puwede ring tawagan ang POEA hotlines para sa mga tanong o reklamo: (02) 722-1144; (02) 722-11-55

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.