Couple killed in Camarines store robbery

Posted at Dec 29 2010 10:39 PM | Updated as of Dec 30 2010 01:23 PM

Nasaksak sa kanang braso at sa likuran ang ABS-CBN Cotabato reporter na si Archad Rangan kagabi matapos siyang harangin ng mga holdaper at sapilitang kinuha ang kanyang cell phone.

"May dalawang lalaki ang lumapit sa akin tapos sinabi noong isa, 'Akin na, akin na...' 'Tapos noong hindi ko binigay iyong cell phone, tinulak niya ako, itnumba niya ako... Kinuha ko mga gamit ko, nakuha ko pang tumakbo at habulin iyong mga hold-upper," ani Rangan.

Nakilala ni Rangan ang nanaksak sa kanya. Panawagan niya sa mga awtoridad: Paigtingin pa ang police visibility sa lahat ng oras.

Hindi singsuwerte ni Rangan ang mag-asawang Henry at Carmen Sales ng Camaligan, Camarines Sur.

Patay ang mag-asawa matapos ma-holdap sa loob ng kanilang hardware.

Kitang kita sa larawang kuha ng PNP-Camaligan ang kalunos-lunos na sinapit ng mag-asawa.

Dead-on-the-spot si Henry habang binawian ng buhay si Carmen sa ospital.

Hindi namalayan ng kaanak nila ang insidente sa pag-aakalang paputok lang ang narinig nilang putok ng baril.

"Siguro mga (dalawa) o (tatlong) putok 'to... Iyon na nakita ko, nakadapa na iyong pamangkin kong [si Carmen]," sabi ni Aling Francia.

Tumangging mag-komento sa harap ng camera ang anak ng mag-asawa pero sinabi niyang nag-withdraw ang kanyang mga magulang ng P25,000 bago nangyari ang insidente.

Teorya ng pulis, sinundan ng mga salarin ang mag-asawa at nagpanggap na customer sa hardware. Jonathan Magistrado, Patrol ng Pilipino