Candidates' supporters get physical in Lanao del Sur

Posted at Oct 25 2010 09:52 PM | Updated as of Oct 26 2010 09:30 AM

Sinusubukan ng ilang sektor na sana'y maging matahimik at matiwasay ang halalan sa Lanao del Sur. Pero hanggang ngayon, hirap silang ipatupad ito.
 
Kanina, muling sumiklab ang tensyon sa kasagsagan ng botohan.

Hindi agad nakapagsimula ang botohan sa Marawi City.

Sa labas ng mga presinto, aburido na ang karamihan sa mga botante.

Sa presinto sa Amaipakpak, tinangka ng isang lalaki na nakawin ang isa sa mga ballot box. Hinarang siya ng ilang botante at pilit na binabawi ang balota.

Ang mga nakabantay na pulis, hindi muna kumilos. Naghintay pa ng back-up.

Ibinalik ng mga botante ang ballot box sa loob ng presinto at kinandado ang pinto. Pinaalis na lang ng mga pulis ang mga nanggugulo!

Pero ngayong hapon, naulit ang rambol. Kaya nag-warning ang pulis.

Sa Provincial Capitol naman, sumiklab din ang gulo nang harangin ng grupo ni Rohaima Saud na tumatakbong barangay chairman ng Sambagurong ang mga maghahatid ng election paraphernalia sa bayan ng Tugaya.

Umiiyak pa ang mga babaeng tagasuporta niya. Giit nila, nasa balwarte kasi ng katunggali nilang kandidato ang presinto. Ang mga lalaki, galit naman!

Susundan pa sana nila at haharangin ang mga police trainees na nagdadala ng mga election paraphernalia, pero hinarang na sila ng mga rumespondeng sundalo. Nagkahabulan!  Nahuli ang isa sa mga kasamahan ng barangay chairman. Nakunan pa siya ng baril.

Ibiniyahe na nila ang mga balota papunta sa bayan ng Tugaya kung saan sumiklab ang karahasan noong May 2010 elections.

Pagdating sa bayan, nag-unahan ang mga botante sa pagpasok sa polling precinct. Dapat 20 lang ang puwedeng pumasok, pero nang nagkatulakan, wala nang nagawa ang mga otoridad.

Nang magsimula na ang botohan, muling nagkagulo. Meron pang mga babaeng nagsabunutan. Ang mga lalaki, nagsapakan. May nagtangka ring mang-agaw ng ballot box. Bugbog-sarado ang nang-agaw.

Inihagis din ang ilang upuan.  Nag-warning shot tuloy ang mga sundalo. Roxanne Arevalo, Patrol ng Pilipino