ABS-CBN News

Bullets rain on polling precinct in Maguindanao

Posted at | Updated as of 10/26/10 9:38 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Nag-iba lang ng pangalan ng mga kandidato, pero kung tutuusin, ang karanasan ng taga-Maguindanao sa barangay elections ay walang pinag-iba sa karanasan nila sa halalan noong Mayo.

Dahil kahit sabihing halalang pambarangay lamang ito, umiral pa din ang karahasan at halatang pagmamaniobra ng pulitiko sa paggamit ng baril at kuwarta.

Papunta sa bayan ng Datu Piang ang News team nang matiyempuhan ang tangkeng ito na gumiri sa gilid ng kalsada at nagpawala ng sunod-sunod na putok.

Sa una'y di pa kapani-paniwala ang gulo dahil naglalakad lang sa gilid ang mga tao, habang ang batang ito'y kumakaway pa sa camera.

Pero nang magtakbuhan ang mga pulis at sundalo at dumami pa ang putok, nangahulugan nang seryoso ang sitwasyon.

Ang direksyon ng putok ng militar ay sa likod ng voting center na ito.

Isang lalaki ang halatang takot na nagtago sa gilid ng tricycle ang aming pinagtanungan.

Taga-Comelec pala ang lalaking ito, bitbit pa ang nakasupot na election paraphernalia.

Pinasok na ng mga pulis ang voting center para saklolohan ang mga election inspectors at tellers na nandoon.

At ng magpawala ang militar ng bala ng mortar, lalong nagtakbuhan sa takot ang mga tao.

Dito tumambad na madami pa palang tao sa loob na naipit sa gitna ng putukan. Wala namang nasaktan at natuloy din kanina ang halalan.

Sa bayan naman ng Datu Unsay, nag-"People power" sa labas ng munisipyo ang mga kandidatong hindi naman pala isinama ng dating election officer ng kanilang bayan sa listahan ng mga kandidato. Hindi tuloy nailabas ang mga gagamitin sa halalan.

Oposisyon ang grupong ito sa bayan ng Datu Unsay na balwarte ng mga Ampatuan.

"Dapat naman sana  ibalik natin ang demokrasya dito sa atin, para naman once and for all makita ng buong bayan na meron tayong demokrasya dito sa Pilipinas," ani Faisal Edzla, tagapagsalita ng nagprotestang kandidato.

Inirekomenda naman kanina ng Joint Security Coordinating Council ng Maguindanao na pahupain na lang muna ang tensyon.

"Nakita namin ngayon eh konting pasensya lang para mapag-aralan nating mabuti, konting panahon lang at ah hopefully, mare-resolve natin by today," ani Lt. Col. Benedict Arevalo, commander, Army 29th Infantry Battalion.

Bukas na lang itutuloy ang halalan para sa bayan ng Datu Unsay.

Pero ituloy man ang halalan sa bayan ng Datu Unsay, hindi rin naman kasama sa listahan ng kandidato iyong mga nag-protesta dahil hindi naisumite sa Comelec ang mga pangalan nila. Sa ibang bayan, katulad dito sa bayan ng Buluan, maayos namang naidaos ang halalan. Jorge Cariño, patrol ng Pilipino