'Juan' damage on Maconacon revealed

Posted at Oct 22 2010 10:17 PM | Updated as of Oct 23 2010 09:32 AM

Ilang araw nang sumusubok ang aming news team na mapasok ang bayan ng Maconacon sa coastal area ng Isabela, pero sa kapal ng ulap, lagi kaming bigo na marating ang lugar sa kabilang bahagi ng Sierra Madre.

Isolated ang bayan dahil helicopter o bangka lamang ang puwedeng masakyan papunta roon.

Kaninang umaga, tila luminaw ang daan. Nasilayan namin ang mga gumuhong lupa sa mga bundok at ang mga punong lagas ang mga dahon o ibinuwal ng malakas na hangin.

Mula sa himpapawid, kitang-kita ang mga wasak na bahay, ang mga tulay na niyanig ng malalakas na alon pati ang eroplanong tinangay at itinaob sa may palaisdaan.

Sa madaling salita, walang sinanto ang bagyong Juan sa bayan na ito.

Sa unang pagkakataon ay nakarating tayo rito sa Maconacon na hindi pa nararating ng media. Tatlong araw na kaming pumupunta rito, tatlong araw nang sumusubok makapunta para makausap ‘yong mga residente rito na hindi pa naabot ng tulong.

Unang tapak pa lamang sa Maconacon, ramdam na ang desperasyon ng mga tao. Takbuhan ang ilang residente sa amin dahil akala nila, magdadala kami ng relief goods. Nagkakaubusan na kasi ng pagkain at gamot sa lugar.

Dito namin nalaman na lumapag pala kami sa eskuwelahan kung saan nakikisilong ang maraming pamilya matapos gumuho ang kanilang mga bahay.

Isa na rito ang mag-asawang sina Aling Bea at Mang Vivencio. Dito, araw-araw nilang kinukumpuni ang maliit na radyo para malaman kung ano ang nangyayari sa labas ng kanilang bayan o kung may sasaklolo ba sa kanila.

Ang pagkain na lang ng 6 nilang anak ay bigas na nirarasyon ng lokal na pamahalaan at ang mga gulay at prutas na kanilang napulot sa daan.

Ganito man ang sitwasyon, ang inaasam daw talaga nila ay makontak ang kanilang mga kamag-anak na nag-aalala na sa kanila.

“So totoo lang hindi na naman inaasahan na mabubuhay pa kami. Umiiyak na lamang kami noon. Hinihingi po namin ang tulong ng lahat ng gustong tumulong upang magkaroon kami ng bago naming tahanan. Naiisip ko po na baka hindi kami makabangon kung walang tutulong sa amin ngayon,” ani Aling Bea.

Sa mga kuwento pa lang nina Mang Vicencio at Aling Bea, hindi namin alam kung paano ihahanda ang aming sarili sa maririnig pa naming kuwento sa aming pag-iikot sa bayan ng Maconacon. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino, Isabela