SAPUL SA CCTV: Kooperatiba, hinoldap sa loob ng 2 minuto

Posted at Sep 15 2015 10:37 AM | Updated as of Sep 15 2015 06:46 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nakunan ng CCTV ang panloloob ng mga kawatan sa isang electric cooperative sa Tupi, South Cotabato nitong Biyernes.

Sa kuha ng CCTV, makikitatang sinilip pa muna ng mga suspek ang loob ng kooperatiba bago pumasok.

Tinutukan at kinuha pa ng suspek ang baril ng gwardiya at nagdeklara ito ng hold-up.

Sunod nitong tinutukan ng baril at pinadapa ang mga customer at kahera.

Agad namang pumunta ang mga suspek sa pwesto ng kahera at tinangay ang P268,000.

Bukod sa pera, tinangay rin ng suspek ang dalawang cellphone mula sa empleyado ng kooperatiba at nilagay ang mga ito sa kanyang bag.

Nagsilbi namang lookout ang isa pang suspek na pumwesto sa pintuan.

Matapos na makulimbat ang pera at mga cellphone ay umalis agad ang dalawang suspek.

Naisakatuparan ang pagnanakaw sa loob lang ng dalawang minuto.

Hindi naman kaagad nakaresponde ang mga pulis dahil nagkataong abala sila sa seguridad ng bayan dahil sa kanilang pyesta.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagtugis ng mga pulis sa mga suspek na posibleng dayo umano sa kanilang lugar.

- Umagang Kay Ganda, 15 September 2015