ABS-CBN News

GenSan celebrates Shamcey’s Miss Universe win

Posted at | Updated as of 09/14/11 5:27 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Walang engrandeng party dito sa bahay nina Shamcey pero may kaunting salu-salo kasama ang ama ni Shamcey para ipadiwang ang tagumpay ni Shamcey.

Wala ring kuryente ngayon sa kanilang bahay dahil pinapagawa ang bubong nila.

Pero kanina ay masayang-masaya ang mga kababayan ni Shamcey matapos nilang mapanood ang Miss Universe pageant.

Malayo sa glamorosong Miss Universe pageant sa Brazil o sa live screening ng mga laban ni Pacquiao ang simpleng setup dito sa covered court ng baranggay kaninang umaga para mapanood nang live ang Miss Universe pageant.

Naunang dumating si Lolo Angel na walang reklamo kahit dalawang oras pa maghihintay.

“Palagay namin mananalo talaga si Shamcey kaya excited kami at papanoorin talaga namin,” sabi ni Lolo Angel.

Sa umpisa, tahimik at kabado ang mga tao, kabilang na ang kanilang babaeng mayor na katabi ng ama ni Shamcey na si Timoteo Supsup.

Pero pinalitan ito ng mga hiyawan at sigawan tuwing napapasama sa mga finalist si Shamcey.

Ang buntis na si Jennifer, malapit na manganak pero sa halip na pumunta sa ospital ay nanuod muna ng pageant.

“Kapag naging babae, Shamcey ang ipapangalan ko sa anak ko,” sabi ni Jennifer.

Halos hindi na makahinga ang ama ni Shamcey habang pinapanood ang anak.

“Maraming salamat po at mayroong inuwi ang anak ko sa atin. Maraming-maraming salamat sa lahat ng sumuporta, sa buong Pilipinas,” sabi ni Timoteo.

Tama ang kutob ng ama ni Shamcey na mananalo ang anak.

Hindi man siya ang kinoronahang Miss Universe, malaking karangalan na raw maging 3rd runner-up.

Para naman sa ibang mga taga-GenSan, si Shamcey ang number 1.

Kung kahapon ay tahimik ang GenSan, ngayon ay nagdiriwang ang mga kababayan ni Shamcey sa kanyang tagumpay.

Ayon kay General Santos City Mayor Darlene Antonino Custodio, paghahandaan nila ang isang engrandeng homecoming para kay Shamcey, ang pinakabagong pride of GenSan.