Cavite official nabbed for selling marijuana

Posted at Jul 03 2012 10:36 PM | Updated as of Jul 04 2012 06:36 AM

Maluha-luhang umamin sa pagbebenta ng marijuana ang barangay kagawad matapos mahulihan ng kalahating kilo ng marijuana na nasa P20,000 ang halaga sa buy-bust operation ng Cavite Police.

“Nagawa ko lamang ito dahil ako’y talagang dumanas ng kagipitan,” sabi ni barangay kagawad Roberto Estapia.

Nahuli ang suspek matapos gumamit ng P1,000 marked money ang operatiba pambili ng marijuana sa kanya.

“Inaasahan ko magiging kakampi ko sila o katulong sa pagpigil sa paglaganap ng iligal na droga sa ating lalawigan,” sabi ni Supt. John Bulalacao ng Cavite police.

Labis ang pagsisisi at humihingi ng paumanhin si Estapia sa mga ka-barangay dahil ginamit niya ang kanyang puwesto sa gobyerno para sa mga iligal na transaksyon.

“If he’s found guilty, life imprisonment ‘yan,” sabi ni Supt. Andres Melad.

Samantala, sa Cavite pa rin, 60 video karera ang winasak ng mga miyembro ng SWAT dahil ginagamit ito sa illegal na sugal.

Umabot sa P25,000 halaga na laman ng mga video karera ang naipon ng Cavite Philippine National Police.

Nagpasya ang Cavite PNP na ibigay na lamang sa Red Cross ang nakumpiskang mga barya para magamit sa sa pagresponde sa kalamidad gaya na lamang sa pagbabaha at pag-ulan ngayong araw.

Nagpasalamat naman ang Red Cross sa natanggap na tulong. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino