Bulacan residents warned of flooding

Posted at Jul 03 2012 09:58 PM | Updated as of Jul 04 2012 05:58 AM

Mas mataas pa rin ito sa normal level pero medyo bumaba na kumpara kaninang umaga nang magsimulang magpalabas ng tubig ang dam.

Sa ngayon, wala pang naiuulat na pagbaha sa alinmang bayan, pero pinag-iingat na ang mga residente.

Kalmado ang bahaging ito ng dam habang tuluy-tuloy ang pagpatak ng ulan.

Pero sa kabilang bahagi, tila galit na dumadaloy ang tubig palabas.

Nagsimulang magpakawala ng tubig ang dam bago mag-alas-7 ng umaga nang umabot sa 101 meters ang tubig dahil sa tuluy-tuloy na ulan.

“Inoobserbahan namin diyan ang inflow na nanggagaling sa watershed. Kapag continuous ang rain, continuous din ang alarm niyan,” sabi ni Romeo San Jose, head works controller ng Maynilad Water Services.

Ayon sa pamunuan ng dam, pitong bayan sa Bulacan ang posibleng bahain dahil sa pagpapakawala ng tubig: Norzagaray, San Rafael, Bustos, Baliwag, Plaridel, Calumpit at Angat.

Sa ngayon, 30 centimeters ng isa lang sa mga gate ng Ipo Dam ang binuksan para magpakawala ng tubig at hindi pa ganoon kalaki ang posibilidad na magbaha sa mga bayan sa paligid ng ilog kung saan ito dumadaloy.

Pero pinaghahanda pa rin ang mga residente ng mga maaapektuhang lugar.

Kapag kasi nagpatuloy ang ulan hanggang bukas, posibleng magbukas pa ng gate ang dam.

“Ngayon pa lang dapat mag-monitor na sila sa sarili nilang mga paligid nila at kung maaari ay umangat-angat na sila dahil sa hindi natin ma-avoid ‘yung pagdating ng ulan eh,” sabi ni San Jose.

Dagdag ng pamunuan ng dam, nasabihan na ang mga lokal na pamahalaan ng mga maaapektuhang bayan na ihanda ang kani-kanilang mga residente.

Nasa 100.69 meters ang water level sa dam ngayong gabi.

Kapag bumaba ito sa 100.4 meters, ititigil na ang pagpapakawala ng tubig.

Masusi itong tututukan ng pamunuan ng dam sa mga darating na oras.