Thousands up for evacuation as flooding ravages Albay

Posted at Jun 23 2011 11:08 PM | Updated as of Jun 24 2011 07:46 AM

Walang tigil ang ulan sa Albay kaya't binaha na ang ilang mga bayan.

Sa Polangui, nagising na lang ang ilang residente na baha na sa loob ng bahay nila.

“Pumunta ‘yong inaanak niya sa kasal at ginising kami, ‘yon ang katulong namin sa pagtaas ng mga gamit,” sabi ni Yolanda Seletarya.

Ganito palagi ang eksena rito sa Barangay Balangibang tuwing may malakas ang ulan. Nalulubog sila sa baha.

Kahit sanay na, hindi pa rin maalis sa mga residente na matakot.

Ang ilan, inilipat na ang mga gamit sa mga bahay na hindi binabaha. Ang mga magsasaka, isinalba na ang mga aanihing palay at gulay. Itinabi na rin sa kalsada ang alagang hayop.

Sa Barangay Lanigay naman, bumigay ang riprap sa ilog.

May butas na rin ang kalsada sa gilid ng tulay na lubhang mapanganib.

Ang Polangui North Elementary School naman, pinasok na ng baha at nabasa ang halos lahat ng gamit.

“Araw-araw na naman kami pupunta rito, gagawa lang ng visual aid,” sabi ng guro na si Teresita Sanin. 

Binaha na ang munisipyo at pahirapan na ang pagdaan sa national highway sa Balangibang, Polangui. 

Sa Ligao City, inanod ang mag-asawang Rosa at Arthur Ordan habang tumatawid sa spillway. 

Nawawala pa si Rosa habang ginagamot na sa ospital si Mang Arthur kaya pinag-iingat na ang lahat. 

“Ang nakakamatay po talaga ay hindi ang bagyo. Ang nakakamatay po ay ‘yong tubig,” sabi ng gobernador ng Albay na si Joey Salceda. 

Sa Legazpi City, nagmistulang ilog din ang ilang kalsada. 

Mahigit 1,000 pamilya na ang nasa evacuation center sa Albay. May 12,000 pa ang target ilikas. 

Sa Tabaco City Port, daan-daang pasahero na ang stranded. 

Hindi na kasi pinayagang lumayag ang mga barkong mababa sa 1,000 gross tons. Jose Carretero, Patrol ng Pilipino sa Legazpi