'Sulu kidnap' fuss irks governor

Posted at Jun 22 2012 11:50 PM | Updated as of Jun 23 2012 10:13 AM

Sa pagdating kanina dito sa Jolo, hindi na naitago ni  Governor Sakur Tan ang pagkainis niya sa Jordanian na napabalitang nakidnap pero ‘di umano'y naglilibot lang dito sa Sulu at hanggang ngayo'y ‘di nagpapakita.

“Baka nagsu-shoot pa sila. Wala naman kaming naririnig na [ransom demand] eh,” sabi ni Tan.

Sabi ni Gob, kung totoong nasa coverage lang si Baker Abdulla Atyani at hindi pa nito alam ang negatibong epektong idinulot ng kilos niya dito, baka mapagalitan pa niya ito ‘pag nagpakita ang dayuhan sa kanya.

“Sasabihin ko sa kanya na pag ganoon lang ang pinunta niya rito, para bulabugin, eh sana ‘wag na lang siyang pumunta dito,” ani Tan.

Normal ang buhay ng mga tao dito sa Jolo. Walang bakas na may nangyayaring gulo.

Kahit sa kanayunan, "routine operation" lang ang seguridad ng mga sundalo.

Sabi ng militar, base sa kanilang intelligence, walang indikasyon na kinidnap ang dayuhan. Kaya naman hindi rin sila gumagawa ng anumang hakbang na maaring maging dahilan pa para kidnapin ang dayuhan at ang mga Pinoy na crew ng Jordanian.

“Standing down that we are not doing any active operations as to running after them. We know where they are and their general location, hindi naman po sila threatened pa,” sabi ni Col. Jose Jorel Cenabre ng Task Force Sulu.

Sa ngayon, intelligence operation ang tutok ng militar para mabuntutan ang kilos ng Jordanian.