5 killed in trike-train collision

Posted at Jun 22 2012 11:44 PM | Updated as of Jun 23 2012 07:44 AM

Kalunus-lunos ang sinapit ng mga biktima karamihan sa kanila mga estudyante na papasok pa lang ng eskuwelahan kaninang umaga, nang salpukin ng tren ang sinasakyan nilang traysikel.

Yuping-yupi ang tricycle na ito matapos salpukin ng tren sa boundary ng San Isidro at San Agustin, Iriga City mag-aalas-7 kaninang umaga.

Nagkalat ang mga gamit, maging ang mga labi ng mga biktima na tumilapon sa lakas ng tama.

Lima agad ang patay, kabilang ang 3 estudyante, ang drayber ng traysikel at isang guro.

Walong iba pa ang sugatan at isinugod sa ospital.

Galing Maynila at patungong Ligao City ang tren.

Ayon sa ilang nakakita, nagpumilit tumawid ng riles ang traysikel na may sakay na 12 estudyanteng papasok sana sa eskuwela.

“Bago pa pumasok sa diversion ng Baao, panay na ang busina ng tren,” sabi ni Helen Espiritu, isa sa mga pasahero ng tren.

Nakita rin ng isa pang testigo na pinilit pa ring tumawid ng tricycle kahit medyo "elevated" o pataas ang tatahakin nitong riles.

“Parating ang tren, sige ang busina niya. ‘Yung tricycle pinilit na makatawid, nahagip sila ng tren,” sabi ni Jesse Abonite.
   
Overloaded ang traysikel kaya kulang sa pwersa.

Bukod sa mga pasahero sa side car, may nakaangkas din sa likod ng driver at 5 ang nakasampa sa bubong ng traysikel.

Ayon sa mga pulis, umiwas mahuli ang driver kaya nag- shortcut.

“The driver knows that he is already violating traffic rules, which is overloading, kaya hindi siya sa main road dumaan, sa likod siya dumaan kaya kailangan niya daanan ‘yung railroad,” sabi ni PO2 Marsha Aquiler, spokesperson ng Iriga City PNP.

At dahil nag-shortcut ang traysikel, walang flagman sa lugar na hindi naman normal na tawiran sa riles.

Nasa kustodiya naman ng Iriga PNP ang drayber ng tren na si Froilan Ollero.

Pinaninidigan ng Philippine National Railways na walang kasalanan si Ollero, na ngayon ay nahaharap sa kasong multiple homicide at damage to property.

Pinaiimbestigahan na rin ni DOTC Secretary Mar Roxas ang nangyaring insidente.