EXCL: KBP-CamSur calls for rescue ops for missing journos

Posted at Jun 21 2012 11:26 PM | Updated as of Jun 22 2012 07:26 AM

Nababahala na rin sa kalagayan ni Ramelito Vela ang mga kaanak nito sa Del Gallego, Camarines Sur.

Si Vela ang isa sa dalawang cameraman ng Jordanian journalist na si Baker Abdull Atyani.

Tumanggi magbigay ng pahayag si Ronil, pero hiling niya sa pamahalaan, tiyakin ang kaligtasan ng kapatid.

Sa parokya ng San Pascual Baylon sa bayan ng Tinambac, inialay ang unang misa ngayong araw para sa tatlong mamamahayag.

Hinikayat ni Reverend Father Jerome Gonzales ang lahat na ipagdasal ang dalawang Bicolanong cameraman at si Atyani.

Kinumusta rin ni Fr. Jerome ang kaanak ni Rolan Letriro para bigyan ng lakas ng loob.

Labis ang pasasalamat ni Aling Maria sa mga panalangin at suporta.

Umalma naman ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas-Camarines Sur chapter sa sabi ng DILG na walang rescue operations para sa TV crew.

Ang pagsugpo umano sa gulo sa Mindanao ang solusyon para matigil na ang ganitong insidente na sangkot ang mga mamamahayag.

Sa ngayon, pumapangalawa ang Pilipinas sa 20 bansang maituturing na mapanganib sa mga mamamahayag, ayon sa datos ng Committee to Protect Journalists.

“This reflects the government’s inability to protect journalists. Dapat ‘di ito mangyari sa isang malayang bansa tulad sa Pilipinas,” sabi ni Elmer Abad, persidente ng KBP-Camarines Sur.

Sa kabila nito, nagpaalala ang KBP -- dapat din isaalang-alang ng mga journalist ang sariling kaligtasan sa pangangalap ng balita. Jonathan Mahistrado, Patrol ng Pilipino, Camarines Sur