EXCL: Security in Patikul tightened for missing journalists

Posted at Jun 20 2012 10:45 PM | Updated as of Jun 21 2012 10:54 AM

Sa kabundukan ng Patikul, Sulu pinaniniwalaang hawak ng Abu Sayyaf ang Jordanian journalist na si Baker Abdullah Atyani at dalawa nitong Filipino cameramen na sina Ramelito Vela at Rolan Letriro.

Ayon kasi sa ilang impormante, nakita nila ang tatlong mamamahayag kasama ang bandidong grupo.

Bagama't ‘di pa tuwirang matiyak ng mga awtoridad kung bihag nga ba ang tatlo o hindi, kinordon na ng pulis at militar ang lugar para tiyaking hindi makapuslit ang grupo.

“Nagko-conduct kami ng checkpoint at chokepoint dito sa Patikul. And sa ngayon, pinahihigpit namin ang seguridad,” sabi ni Insp. Loyd Novilla, hepe ng Patikul Police.

Sa Sulu State College hostel naman, iniligpit na ang mga damit at iba pang kagamitan ng tatlong mediamen.

Iimbestigahan din ng mga pulis kung may mga ebidensiya silang naiwan na makapagsasabi kung sino ang kumuha sa kanila.

“Nakita na nila lahat pati ‘yung 3rd Marine Brigade doon. Nagpunta rin at kinuha kung anuman ang mayroon dito,” sabi ni Haja Siera Su Tulawie Jikiri, manager ng SSC hostel.

Kanina nagpadala naman ng text message ang ina ni Ramelito Vela at nakikiusap sa Abu Sayyaf Group na pakawalan na ang anak.

Ayon kay Aling Carmen, trabaho lamang ang pinunta ni Ramil at dalawang kasama sa Sulu at siya lamang ang inaasahan ng buntis na asawa at pitong taong gulang na anak. Jay Ruiz, Patrol ng Pilipino