Nearly 1M affected by flooding in Region XII

Posted at Jun 20 2011 08:59 PM | Updated as of Jun 21 2011 11:54 AM

Lubog na sa baha ang poblacion ng Cotabato City, gayung ni minsan ay hindi pa ito binaha noon.

Pero wala nang mapuntahang evacuation center. Puno na ang iba, lumubog na rin sa baha ang ilang eskwelahan.

Si Aling Zenaida, lumuluha naman sa kanyang sitwasyon. Paralisado na siya kaya't hindi makaalis sa binahang tahanan.

Tinatayang 160,000 residente ng Cotabato City ang apektado. Sa buong Region 12, halos 1 milyon ang naapektuhan.

Mabagal ang pagtanggal ng mga water hyacinth na bumara sa Rio Grande de Mindanao.

Ayon sa DPWH, parating pa lang ngayong hapon ang malaking barge at tatlo pang water-master na ginagamit sa Cagayan de Oro.

"We have to stop the project in Cagayan de Oro and bring it here… 2 or 3 days starting tomorrow matanggal na yung mga water hyacinths," ani DPWH Usec. Romeo Momo.

Pero simula pa lang daw ito ng problema, ayon sa Task Force Mindanao River Basin.

Tinatayang nasa 20,000 na ektarya pa ng water hyacinth ang nakaabang na maitulak ng high tide at malalakas na bagyo.

Binabantayan naman ngayon ang posibleng outbreak ng tigdas sa mga evacuation center matapos magkaroon ng dalawang suspected case ng measles.

Bagamat dumating na ang tulong, hindi umano sasapat ito sa daan libong apektadong pamilya.

"Give us more medicines and relief goods, we need to sustain. Ang problema dito para pag naalis na ito, pagkakasakit naman ang magiging problema," ani Cotabato City Mayor Japal Guiani Jr.

Pero ngayong araw tila kinalimutan muna pansamantala ng mga taga-rito ang krisis at ipinagdiwang ang Araw ng Cotabato.

Aapat na baranggay na lang dito sa Cotabato City ang hindi pa binabaha, at kung hindi tatapusin ang dalawang taon nang nakabinbin na widening at dredging ng ilog na ito, wala na raw magiging katapusan ang problemang ito. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino