EXCLUSIVE: 23 Maguindanao towns under floodwaters

Posted at Jun 20 2011 09:53 PM | Updated as of Jun 21 2011 05:53 AM

Ito ang bayan ng Mother Kabuntalan sa Maguindanao. Dati'y palayan at maisan ang makikita dito. Pero ngayon, lubog sa baha ang mga taniman bunsod ng dalawang linggong ulan.

Pati mga bahay, moske at paaralan, lubog din! Ang mga alagang hayop, itinali sa gilid ng kalsada.

Isa sa labis na nasalanta ang Barangay Katidtuan.

“’Di na kami makapunta sa poblacion kasi mataas ang tubig, wala na rin kaming pananim,” ani Amir Badar, barangay chairman ng Katidtuan.

Pero kahit lubog sa baha, ayaw lumikas ng mga residente at makipagsiksikan sa mga evacuation center. Kaya ang mga sundalo't taga-DSWD na ang nagtungo sa mga liblib na lugar para mamahagi ng relief goods.

Ang ilan naman, kinailangang mamangka para makakuha ng relief goods.

“Sana matulungan kami ng mga agencies tulad ng DepEd kasi ang mga eskwelahan lubog sa baha, at sa Department of Agriculture,” ani Mayor Salaban Diocolano.

Kanina, maaliwalas na ang panahon. Pero sakaling umulan at muling bumaha, lalo’t makapal pa rin ang mga water hyacinth sa Rio Grande de Mindanao, sapilitan nang ililikas ang mga residente.

Sa ngayon, 77 libong pamilya ang apektado sa 23 bayan sa Maguindanao.

Nagsagawa naman ng soup kitchen ang ABS-CBN Sagip-Kapamilya sa ilang bahagi ng Maguindanao. Lerio Bompat, Patrol ng Pilipino, Maguindanao